NAGPAHAYAG ng matinding pagkabahala si Congressman Terry Ridon kasunod ng pagkalat ng sinabing banta ni Julie “Dondon” Patidongan laban sa isang TV reporter na nagko-cover ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sa lumabas na recording ng pag-uusap nina Patidongan at TV-5 reporter na viral ngayon sa social media, maririnig si Patidongan na nagbabantang “ingatan ang buhay” ng ABC-5 correspondent na si Gary De Leon, matapos siyang akusahan ng pagiging “bias at bayaran.”
Ang recording ay kuha sa dapat sana’y isang maayos na panayam pero nauwi sa mainitang palitan ng salita at pagbabanta.
Ayon kay Ridon, ang anumang banta laban sa isang mamamahayag ay banta laban sa katotohanan. Kaya’t hindi maaaring palampasin ng kongreso ang ganitong uri ng pananakot. Giit ng mambabatas, press freedom ang nakataya rito.
Nauna nang kinondena ng National Union Of Journalists of the Philippines (NUJP) ang insidente at agad itong iniulat sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), na nangakong magsasagawa ng imbestigasyon.
Panawagan ni Ridon, “Ang trabaho ng media ay magsiwalat ng totoo, lalo na sa mga kasong komplikado at sensitibo. Hindi sila ang dapat tinatakot—kundi ang mga nagtatangkang magtago ng katotohanan.”
Mistula aniyang normal lang kay Patidongan na magbitaw ng ganitong pananakot dahil wala man lang itong hesitasyon kahit na miyembro ng tinatawag na fourth state ang kanyang kausap.
Dahil dito, ilang mamamahayag na nakakikilala kay De Leon ang nagpahayag ng pangamba sa kanyang kaligtasan. Sa ngayon ay hindi pa nagbibigay ng pahayag si Patidongan tungkol sa naturang recording ng kanyang pagbabanta sa news reporter ng TV5.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com