Friday , December 5 2025
https://www.facebook.com/bingoplusph
money peso hand

Mas mataas na multa, kulong vs employers na lalabag sa wage orders isinusulong

MULTA na nagkakahalaga ng ₱25,000 at pagkakakulong ng isa hanggang dalawang taon ang maaaring kaharapin ng mga employer na hindi susunod sa itinakdang ₱50 dagdag sa arawang sahod ng mga minimum wage earners sa Metro Manila simula 18 Hulyo.

Ito ang babalang inihayag ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada kasabay sa pagsusulong ng kanyang panukalang batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga employer na lalabag sa mga itinatakdang umento o pag-aayos sa sahod ng mga manggagawa.

“Ang mga manggagawa ay hindi lamang dapat makakuha ng disenteng sahod, kailangan din siguruhin ng pamahalaan na ipinatutupad ito ng kanilang mga employers,” ani Estrada, kilalang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa, patungkol sa penal provision ng Wage Order No. NCR-26 na nagbibigay ng dagdag na ₱50 sa minimum daily wage sa National Capital Region (NCR).

Batay sa nasabing wage order na inaprobahan noong 24 Hunyo ng NCR Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB), magiging ₱695 ang minimum wage sa non-agricultural sector, at aabot naman sa ₱658 ang para sa mga nasa agrikultura, service at retail establishments na may kasalukuyang 15 manggagawa, at sa manufacturing establishments na may 10 empleyado.

“Taon-taon halos ay may ipinatutupad ang ating mga RTWPB na pagtaas sa arawang sahod ng mga manggagawa. Pero hindi sapat na ianunsiyo lang ang dagdag-sahod. Dapat may ngipin ang ating batas para matiyak na susundin ito ng lahat ng employer — malaki man o maliit ang kompanya,” sabi ni Estrada.

Iginiit ng beteranong mambabatas na kailangang ganap na protektahan ang karapatan ng mga manggagawa at isakatuparan ang diwa ng social justice na nakasaad sa Konstitusyon.

Sinabi ni Estrada na kanyang isusulong muli ang kanyang panukalang amyenda sa Republic Act No. 6727 o ang “Wage Rationalization Act,” para dagdagan ang multa at magpatupad ng mas mahigpit na mekanismo laban sa mga lumalabag sa wage orders na mga indibiduwal, kompanya, o organisasyon.

Sa ilalim ng panukala ni Estrada, ang mga lalabag sa kautusan na dagdag-sahod ay papatawan ng multang hindi bababa sa ₱100,000, kasama ang moral damages na hanggang ₱30,000 kada apektadong manggagawa, bukod pa sa gastos sa paglilitis at attorney’s fees.

Maaari rin silang masentensiyahan ng pagkakakulong ng dalawa hanggang apat na taon.

Nakapaloob sa panukala ni Estrada ang pagpapaigting sa sistema ng pagpapatupad, kabilang ang awtomatikong pagsamsam ng ari-arian at pinansiyal na asset ng mga lalabag kung hindi sila makabayad ng multa.

Kung ang lumabag ay isang korporasyon o partnership, ang mga opisyal nito gaya ng presidente, CEO, o managing director ay personal na mananagot.

Sa kabila ng mga umiiral na batas sinabi ni Estrada mayroon pang hindi sumusunod sa wage orders, lalo sa mga manggagawang nasa informal sector at sa mga contractual.

“Ipinag-uutos ng Konstitusyon ang pagkakaloob ng living wage. Ngunit hirap pa rin tayong ipatupad ang minimum wage sa maraming lugar. Layunin ng panukalang ito na punan ang kakulangang iyon. Sa pamamagitan ng pagtaas ng parusa at pagpapatibay ng pagpapatupad ng mga kautusan, malinaw ang mensahe na nais nating iparating: ang pagnanakaw sa sahod ay hindi kokonsintihin,” aniya.

Kompiyansa si Estrada na makakukuha ng suporta mula sa kanyang mga kasamahan sa Senado ang kanyang panukala na layong ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa at isulong ang pagiging patas sa trabaho.

“Higit sa parusa, katarungan at dignidad ng manggagawang Filipino ang itinataguyod natin dito,” giit ni Estrada.  (NIÑO ACLAN)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Niño Aclan

Check Also

Bulacan Police PNP

11 timbog sa drug bust sa Bulacan

MATAGUMPAY na naaresto ng mga awtoridad ang 11 indibidwal na sangkot sa ilegal na droga …

Arrest Shabu

Sa Sta. Maria, Bulacan
P3-M shabu nasamsam, HVI tiklo

ARESTADO ang isang lalaking nakatala bilang high value individual sa ilegal na droga habang tinatayang …

DA‑4K NFA Rice IP Occidental Mindoro

Rice-Procurement Partnership ng mga magsasakang IP at ng pamahalaan, inilunsad

ISANG makasaysayang partnership ang inilunsad kamakailan upang isama ang Indigenous People (IP) usa local rice …

Porac Pampanga

Porac, Pampanga Mayor Capil sumuko nagpiyansa ng P.63-M para sa kasong graft

SUMUKO si Porac, Pampanga Mayor Jaime Capil nitong Martes, 2 Disyembre, sa Pasig City RTC …

Nag-alok ng droga binoga babaeng tulak tigbak sa Antipolo

Sa Antipolo
Nag-alok ng droga binoga babaeng tulak tigbak

PATAY ang isang babae matapos barilin ng lalaking sinabing inalok niyang bumili ng ilegal na …