NAKATAKDANG sampahan ng kasong Acts of Lasciviousness si barangay kagawad Apolonio Kibral Fulo, Jr., ng Barangay Pinagsama, Taguig City, kilalang kaalyado at bodyguard ng natalong District 2 congressional candidate na si Pammy Zamora, matapos makita ng Office of the Cebu City Prosecutor ang sapat na ebidensiya upang dalhin ang reklamo sa korte.
Ang reklamo ay inihain ng kapwa opisyal ng barangay kaugnay ng isang insidenteng nangyari sa isang official training sa Cebu City noong Abril 2024.
Matapos ang masusing pag-aaral ng mga pahayag, sinumpaang salaysay, at dokumento, inirekomenda ng piskalya ang pormal na pagsasampa ng kaso.
Batay sa Joint Resolution na lumabas noong 27 Mayo 2025, inirekomenda ng prosekusyon ang pagsasampa ng kaso sa Metropolitan Trial Court (MTC).
Kasalukuyang suspendido si Fulo ng anim na buwan matapos mapatunayang administratively liable sa kasong grave misconduct, immoral acts, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Ngunit bago ito ay isinailalim ang kagawad sa preventive suspension para hindi maapektohan ang imbestigasyon.
Sa sandaling mapatunayang may sala ang kagawad ay maaari siyang makulong at tuluyang matanggal sa posisyon at madiskalipika sa panunungkulan sa gobyerno. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com