BUMAGSAK sa kulungan ng isang negosyante matapos barilin ang kainuman dahil sa mainitang pagtatalo sa gitnan ng mga usapang lasing, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Sa report mula sa Malabon Police, sinampahan ng kasong Attempted Homicide at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) ang suspek na si alyas Arnel, 53 anyos, residente sa Gabriel Compound, Brgy. Catmon at kapitbahay ng biktimang si alyas Ricky, 49 anyos, kasalukuyang nakaratay sa Ospital ng Malabon dahil sa tama ng bala sa kanang binti.
Ayon kay Malabon Police OIC chief P/Col. Allan Umipig, dakong 10:30 pm nitong Linggo nang maganap ang insidente sa bahay ng suspek habang nag-iinuman kasama ng dalawa pang kapitbahay.
Lumabas sa imbestigasyon na matapos makaubos ng ilang bote ng alak ay nauwi sa mainitang pagtatalo ang biktima at ang suspek sa hindi nabanggit na kadahilanan.
Sinabing sinapak ng biktima ang suspek na naglabas ng baril saka pinutukan sa kanang binti ang kainuman dahilan upang isugod sa pagamutan.
Mabilis na naaresto ng mga nagrespondeng tauhan ng Malabon Police Sub-Station 4 ang suspek na nakompiskahan ng baril na kalibre .45 pistol, may isang magazine at cartridges.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Malabon custodial facility habang hinihintay ang pagdinig sa kaso. (VICK AQUINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com