PARA mabigyan ng mas maayos na healthcare services ang mga Malabueño, pinasinayanan ni Mayor Jeannie Sandoval ang mga makabagong medical equipment sa Ospital ng Malabon (OsMal).
Layunin ng alkalde na mas mapabuti ang kalidad ng programang pangkalusugan sa Malabon.
“Kaya naman po, isinagawa ang blessing ng mga bagong kagamitan na tiyak na mas mag-a-upgrade sa ating mga serbisyo. Mas mabilis, mas tiyak, at moderno. Prayoridad po natin dito sa Malabon ang kalusugan at kapakanan ng bawat residente,” paliwanag ni Mayor Sandoval.
Kabilang sa mga nabasbasang bagong kagamitan ay ang orthopedic instrument set na gamit para sa pag-opera ng joint replacements, fixation, at bone cutting, isang 2D Echo examination table, tatlong physical examination tables, isang digital diagnostic x-ray system, tatlong hydraulic transport stretchers.
Kasama rito ang dalawang mobile operating room lights, gel card laboratory centrifuge and incubator at iba pang gamit sa loob ng OsMal.
Nabatid na ang medical upgrades ay bahagi ng pangako ni Mayor Sandoval na palakasin at mabigyan ng mas maayos at modernong healthcare facilities ang mga residente ng Malabon.
Sinabi ni City Administrator Dr. Alexander Rosete na sumailalim ang mga personnel ng OsMal sa pagsasanay para sat ama at maayos na paggamit ng AED, infant incubator and warmer, phototherapy machine, operatic room lights and transport stretchers hydraulic.
“Makaseseguro po ang bawat Malabueño na ang ating pagseserbisyo ay hindi titigil at madadagdagan pa pagdating sa kaseguruhan ng kalusugan at sa pagpapatuloy ng pag-angat ng buhay ng bawat isa,” ayon kay Rosete.
Patuloy na tutugunan ng Malabon local government unit (LGU) ang pagbibigay ng ligtas, maayos at masaganang buhay para sa Malabueños. (VICK AQUINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com