PISAK ang katawan ng isang driver nang madaganan ng minamaneho niyang van nang hindi niya nai-handbrake sa isang lubak sa Rodriguez, Rizal kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktima sa alyas na Johnny, 51 anyos, residente sa Dasmariñas City, Cavite.
Batay sa ulat ng Rodriguez Municipal Police, dakong 2:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente.
Minamaneho ng biktima ang naturang van na may lulang 13 pasahero patungo sa isang camping trip sa Barangay Mascap, sa Rodriguez (Montalban) nang maganap ang insidente.
Sa imbestigasyon, sa gitna ng biyahe, nadaanan ng sasakyan ang isang malalim na lubak na nagresulta upang may kumalabog sa ilalim nito.
Bumaba ang driver at sinuri ang kondisyon ng van ngunit nakalimutan ng driver na i-handbrake sanhi upang magtuloy-tuloy na bumulusok.
Nakaladkad ng van ang driver bago ito tuluyang tumagilid hanggang madaganan ang biktima.
Hhumingi ng saklolo ang biktima mula sa mga pasahero at sumigaw ng ‘Handbrake! Handbrake!’ ngunit nataranta na rin ang mga sakay, sanhi upang lalong magpagewang-gewang ang van at tuluyan siyang madaganan.
“Medyo umuulan noon at basa ‘yung kalsada doon sa area. At ‘yun nga, noong paahon sila roon sa area papuntang Mascap sabi may kumalabog doon sa ilalim ng van. Tiningnan ng kanilang driver, nakalimutan naman ng driver na mai-handbrake, so nagtuloy-tuloy, bumulusok ‘yung van at nakaladkad siya. Nadaganan siya dahil tumagilid ‘yung van,” ayon kay P/Lt. Col. Paul Macasa Sabulao, hepe ng Rodriguez Police Station, sa panayam sa telebisyon.
Gumamit ng backhoe ang rescuers upang maiahon ang biktima mula sa pagkakaipit, ngunit patay na nang marekober habang bahagyang nasugatan ang ilang pasahero nito.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com