INAPROBAHAN ng Senado sa 3rd and Final Reading nitong Lunes, 9 Hunyo ang apat na panukalang batas na layong magtatag at mag-upgrade ng mga state university and colleges sa iba’t ibang probinsiya sa bansa, na ini-sponsor ni Senador Alan Peter Cayetano.
Nagkaisa ang 23 senador na aprobohan sa Final Reading ang mga sumusunod:
Senate Bill No. 916 — magtatayo sa kauna-unahang state college sa Sarangani, ang Sarangani State College;
House Bill No. 10405, magtatatag sa kauna-unahang state college sa Dinagat Islands, ang Dinagat Islands State College
House Bill No. 9314, gagawing state college ang Baao Community College sa Camarines Sur at tatawaging Rinconada State College
House Bill No. 9642, gagawing state university ang Aurora State College of Technology at tatawaging Aurora State University of Science and Technology
Sa naganap na interpellation period noong nakaraang linggo, sinabi ni Cayetano – tagapangulo ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education – na malaking tulong ang mga panukalang ito para mabawasan ang sisiksikan sa mga kasalukuyang unibersidad at mabigyan ng mas malawak na pagpipilian ang mga estudyante na akma sa kani-kanilang interest at kakayahan.
“Most of our state universities, ang problema ay overcrowded. The net effect of having more local state universities ay ‘yung iba made-decongest, and not having to leave your province,” paliwanag niya.
“If you have more state universities with different courses, better matching sa students,” dagdag niya.
Tiniyak ni Cayetano na dumaan sa kompletong proseso sa ilalim ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga kolehiyong nakapaloob sa mga panukala.
“Dumaraan talaga ‘to sa CHED, tapos they (schools) have to comply. We (the Committee) don’t bring them to the floor for plenary action unless they comply,” pahayag ng senador. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com