PANSAMANTALANG itinigil ng Commission on Appointments (CA) ang pagdinig para sa kompirmasyon nina Commission on Elections (Comelec) commissioners Ma. Norina Tangaro-Casingal at Noli Pipo dahil sa kakulangan ng oras.
Mismong si CA member Camarines Sur Representative LRay Villafuerte ang nagmosyon upang isuspendi ang pagdinig na agaran namang sinuportahan ni Senador Risa Hontiveros.
Sinabi ni Senador Cynthia Villar, chairman ng komite, magpapatuloy ang pagdinig sa nominasyon ng dalawang bagong commissioner sa 10 Hunyo, ganap na 11 ng umaga.
Sa kabila ng reklamong inihain ni Ronald Cardema, chairman ng Duterte Youth, sa tanggapan ni Senate President Francis Escudero upang tutulan ang kompimasyon ng dalawa ay hindi nagdalawang-isip na humarap sa naudlot na pagdinig.
Sa pagharap ni Cardema, inihayag niya ang matinding pagtutol ng kanilang partylist sa kumpirmasyon ng dalawang komisyoner, na kanyang inakusahan ng pagiging di-patas dahil sa pagpayag na ipagpaliban ang proklamasyon ng Duterte Youth habang may nakabinbing kaso.
Magugunitang noong Pebrero ay itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., si Casingal bilang bagong Commissioner ng poll body, kapalit ni dating komisyoner Socorro Inting na nagretiro matapos ang kanyang pitong-taong termino.
Si Tangaro-Casingal ay naging direktor ng Comelec Law Department mula noong 2016. Isa siyang election lawyer na nagsilbi sa Comelec sa loob ng 27 taon.
Samantala si Pipo ang pumalit kay dating Commissioner Marlon Casquejo. Nagsilbi si Pipo sa Comelec sa loob ng 32 taon, nagsimula bilang election officer sa Bangued, Abra noong 1993, at naging regional election director mula 2006. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com