SUGATAN ang apat na indibiduwal matapos masangkot sa insidente ng banggaan ang ilang mga sasakyan sa Padre Burgos Ave., Ermita, sa lungsod ng Maynila, nitong Martes, 1 Abril.
Kinilala ang mga sugatang biktima na sina Jay Ryan Pariñas, 24 anyos; Rowel Pabilo, 42 anyos; at pasaherong si Janessa Guevarra, 49 anyos, pawang mga residente sa Maynila.
Naganap ang insidente hatinggabi kamakalawa malapit sa kanto ng C. M. Palma St. at Padre Burgos Avenue.
Nabatid na bumibiyahe patungong norte ang unang sasakyang Mitsubishi Montero sa kahabaan ng Padre Burgos Ave., nang mabangga ito sa isang concrete barrier, sanhi para lumiko pakanan.
Nabangga ang kanang bahagi ng likuran ng SUV ng dalawang motorsiklong bumibiyahe sa parehong direksiyon.
Sugatan ang mga driver ng dalawang motorsiklo at isa sa mga angkas.
Matinding pinsala ang inabot ng mga sangkot na sasakyan at ng concrete barrier.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng banggaan at nire-review ang kuha ng CCTV mula sa Manila Disaster Risk and Reduction Management (DRRM) Office.