POSIBLENG umabot pa ng hanggang susunod na taon bago tuluyang maipasa ng Senado ang kontrobersyal na Freedom of Information (FOI).
Bagama’t unang ini-anunsyo ni Senate President Franklin Drilon na tatalakayin na nila sa plenaryo ang panukalang batas ngayon linggo, bibigyan pa rin aniya nila ng prayoridad ang pagtalakay sa 2014 General Appropriations Act (GAA).
Ayon sa opisyal, mahalagang maipasa nila ang national budget bago ang Enero 1, 2014 para maiwasang magkaroon ng reenacted budget ang gobyerno.
“Hindi po kakayanin sa third reading this week, hindi po madali ang batas na ito, sponsor pa sa floor kaya susunod ang period of interpellation. But uumpisahan na natin sa Lunes, isasalang na po iyan sa Senado, pero hindi natin alam kung ilang senador ang magtatanong at gaano ka-extensive ang debate. So, we’re not even likely to approve it on second reading, maybe when we return,” ani Drilon.
Batay sa kalendaryo ng Kongreso, muling mag-a-adjourn ang mga mambabatas sa Oktubre 25 para sa paggunita ng All Saints’ Day at muli silang babalik sa Nobyembre 18, 2013.
Binanggit pa ni Drilon na mapagbibigyan lamang nila ang FOI bill habang hinihintay ang bicameral conference committee report ng national budget.
Layon ng FOI bill na mabigyan ng kapangyarihan ang taumbayan na magkaroon ng access sa mga impormasyon sa tanggapan ng pamahalaan. (CYNTHIA MARTIN)