UMABOT na sa 171 ang bilang ng mga namatay sa 7.2 magnitude na lindol, iniulat kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Sa kanilang 6 a.m. update, ayon sa NDR-RMC, 1,581 aftershocks na ang naitala simula nitong Martes, 29 ang malakas na naramdaman.
Sa 171 bilang ng mga namatay, karamihan ay mula sa Bohol, ayon sa NDRRMC.
Kabilang dito ang mga residente ng mga bayan ng Cortes at Sagbayan, at bayan ng loon, na hindi mapuntahan makaraan ang lindol.
Sa 171 na namatay, 159 dito ay mula sa Bohol, 11 mula sa Cebu at isa sa Siquijor.
Umabot naman sa 375 ang sugatan habang 20 ang hindi pa natatagpuan.
Makaraan ang lindol
SINKHOLES SA BOHOL DUMARAMI
NAGBABALA ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) at Phivolcs sa mga residente ng Bohol na huwag galawin ang lumalabas na tubig sa ilang sinkhole na natukoy sa kanilang lugar.
Ayon sa MGB, sa inisyal nilang pag-aaral, kasama ang Phivolcs, lumalabas na phosphate liquid substance ito na maaaring maging mapanganib sa tao o kung mapupunta sa tubig ay posibleng magdulot ng fishkill.
Halos anim na sinkholes na ang nakita ng Phivolcs at MGB at ilan dito ay may lawak na hanggang 20 talampakan.
Paliwanag ni Phivolcs Dir. Renato Solidum, normal ang pagkakaroon ng sinkhole pagkatapos ng lindol ngunit kung malalaki at marami ito ay mapanganib para sa publiko.
Paniwala ni Solidum, maaari pang madagdagan ang mga butas na ito sa lupa dahil tuloy-tuloy pa ang aftershocks.
(HNT)