DINAKIP ng mga awtoridad ang isang 43-anyos na lalaki dahil sa alegasyong panggagahasa sa 4-anyos na anak ng kaniyang pamangkin sa Baseco Compound, lungsod ng Maynila, nitong Lunes, 13 Enero.
Ayon kay Baseco Police Station commander P/Lt. Col. Emmanuel Gomez, noong 3 Enero unang nagkaroon ng hinala ang magulang ng biktima na may hindi magandang nangyaring sa kanilang anak.
Ani Gomez, nagsumbong ang biktima sa kaniyang magulang at itinuturo ang maselang bahagi ng kaniyang katawan at sinabing hindi masakit kahit hawakan na siyang ikinagulat ng mga magulang dahil binilin nila sa anak na huwag itong ipahahawak kahit kanino.
Nakompirma ng mga magulang ng biktima ang panggagahasa nang sumunod na araw nang komprontahin ang suspek na sinagot lang silang hindi na niya uulitin.
Agad nilang dinala sa pagamutan ang kanilang anak saka isinumbong sa pulisya ang insidente.
Samantala, pinagbubugbog ng kaibigan at kinakasama ng ina ng biktima ang suspek sa kaniyang bahay, kaya naospital muna ng siyam na araw bago dinala sa kustodiya ng Baseco Police Station nitong Lunes.
Pinasinungalingan ng suspek ang bintang sa kaniya at iginiit na nakikilaba lang siya sa bahay ng biktima noong araw na bumisita siya.
Nagpaalala si Gomez sa mga magulang na laging bantayan ang mga anak at maging alerto sa mga senyales ng pang-aabuso.
“Huwag po natin ipagkatiwala talaga mga anak natin, kasi marami na po talagang kaso dito sa area natin, naa-abuse po because of too much trust and confidence po. It’s either po sa kapamilya, o sa mga kaibigan. So sana ho maging warning and reminder po,” aniya.
Dagdag ni Gomez, bukas ang lahat ng mga himpilan ng pulisya para sa mga biktima ng pang-aabuso.