HATAWAN
ni Ed de Leon
LUMABAS na ang hatol ng Quezon City RTC Branch 306 kina dating Secretary at NTF ELCAC spokesperson noong panahon ni Presidente Digong na sina Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz. Ito ay ang pagre-red tag kay Atom Araullo at sa kanyang pamilya. Sinabi ng dalawa na si Atom ay gumagawa ng documentaries na halata raw kampi sa CPP-NPA,NDF.
Sinabi ni Atom na dahil sa pagre-redtag sa kanya ng dalawa ay nakatanggap siya ng pagbabanta sa kanyang buhay.
Hindi lang naman si Atom ang nakaranas niyan, maging ang aktres na si Angel Locsin na tumutulong na nga lang kung may mga kalamidad, na red tag pa rin noong panahon ni Preidente Digong at pinagbintangan pang tumutulong sa mga maka-kaliwa dahil sa kanyang pinsang si Neri Colmenares, at sinabi pang ang kapatid niya ay kasama sa aktibo at armadong pakikibaka ng NPA. Para matahimik na lang umiwas na muna si Angel, hindi na muna tumanggap ng assignment sa kanyang career at tinigilan na muna ang pagtulong sa panahon ng mga kalamidad dahil minasama pa nga ang kanyang pagtulong.Masama talaga iyang red tagging.
Noong raw naging biktima rin kami niyan, nakipagtulungan kami sa Red Cross para magbigay ng medical assistance sa mga mahihirap lalo na sa mga liblib na probinsiya. Naging maganda ang resulta ng proyekto, kung saan-saan kami nakakarating at nakakapag-paabot ng aming tulong. Iyong medyo malala na ang sakit ay itinatakbo ng ambulansiya ng Red Cross sa mga ospital dito sa Maynila na mas mabibigyan sila ng magandang serbisyo. Ewan naman kung bakit isang araw na lang, sinabihan kaming itigil namin ang aming ginagawang proyekto dahil nagbibigay daw kami ng gamot sa mga sugatan at may sakit na NPA.
Sa isang medical assistance project, masisino mo pa ba kung sino ang NPA at hindi? Hindi mo naman kakilala ang lumalapit sa iyo at humihingi ng tulong. Isa pa ang Red Cross ay isang non-political organization at lahat tinutulungan nila, kaibigan man o kaaway. Sayang ang proyeko naming iyon dahil marami nang kompanya ang nagdo-donate ng mga gamot, marami nang mga doktor ang sumasama, maging mga military doctor din at marami ang nagsasabing magandang proyekto iyon dahil marami kang natutulungang mahihira. Pero kailangang itigil dahil sa red tagging na ginawa.
Kaya iyang red tagging napakasama lalo na at wala naman silang ebidensiya kundi hear say.