NANINIWALA si dating Presidential Spokesperson, Atty. Salvador “Sal” Panelo, ‘scripted’ ang inihain na impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte kaya kahit sabihin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at nanawagan sa mga mambabatas na ‘huwag sayangin ang oras at panahon sa kahit anong impeachment complaint’ na ihahain laban kay Vice President Sarah Duterte ay tuloy na tuloy na ang kampanya sa pagsusulong nito.
Ito ang naging pahayag ni Panelo sa kanyang pagdalo sa lingguhang The Agenda Forum sa Club Filipino, sa San Juan City.
Ayon kay Panelo hindi magtatagumpay ang inihaing impeachment kung inirerespeto o naniniwala ang mga mambabatas sa Pangulo lalo na’t nag-text pa nang personal messages sa ilang kongresista.
Binigyang-linaw ni Panelo, bagamat ayaw ng Pangulo, naniniwala siya na gagawin lahat ng mga disgusto kay VP Sara upang magtagumpay ang impeachment complaint.
Kaugnay nito sinabi ni Renato Reyes isa sa naghain ng impeachment complaint laban kay VP Sara, mayroon silang sapat na batayan at mga kaukulang ebidensiya sa pagsasampa ng reklamo.
Umaasa si Reyes na hindi maaapektohan ang kanilang reklamo laban sa Bise Presidente ng nalalapit na halalan sa May 2025.
Ani Reyes, kahit ano ang maging resulta ng halalan sa 2025 ay magtutuloy-tuloy pa rin ang reklamong inihain laban sa vice president.
Samantala naniniwala si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, sa sandaling umupo silang mga senador bilang mga hukom sa ilalim ng impeachment court ay tiyak na apektado ang kandidatura ng mga reeleksiyonista kagaya niya.
Ayon kay Dela Rosa, kailangan nilang araw-araw na dumalo sa pagdinig dahil ito ay bahagi ng kanilang tungkulin bilang halal na senador.
Paglilinaw ni Dela Rosa, bagamat live ang magiging pagdinig ng impeachment court ay hindi naman lahat ng mamamayang Filipino ay nanonood o nakapakikinig nito hindi gaya sa kampanya na naaabot nila ang grassroot at mga mamamayang Filipino kahit nasa sulok ng bansa. (NIÑO ACLAN)