HINDI naitago ni Senate Majority Floor Leader Francis “Tol” Tolentino na papurihan ang mga vice mayor sa bansa dahil sa kanilang patuloy na pag-aaral at pagbibigay ng pag-asang ibinibigay sa kanilang mga nasasakupan.
Ang papuri ay ginawa ni Tolentino sa kanyang pagdalo sa pagtatapos ng mga Vice Mayor sa Academy of Presiding Officers (APO) sa Center for Local and Regional Governance (CLRG) na inaalok ng University of the Philippines – National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG) sa pakikipag-ugnayan ng Vice Mayors League of the Philippine.
Ayon kay Tolentino ang ginagawang patuloy na pag-aaral ng mga bise alkalde ay makatutulong upang higit nilang mapamunuan ang pangunguna sa lahat ng sesyon at pagbalangkas ng mahahalagang ordinansa ng lungsod at/o munisipyo na higit na makatutulong sa pag-unlad hindi lamang ng kanilang nasasakupan kundi pati ang kanilang mga mamamayan.
Aminado si Tolentino na nagulat siya sa kanyang natuklasan na may ganitong uri ng pag-aaral na ginagawa ang mga bise alkalde ng ating bansa.
Umaasa si Tolentino na ito ay magpapatuloy sa mga susunod na mga panahon.
Dahil dito ipinaabot ni Tolentino ang kanyang pagbati sa 231 nagsipagtapos na vice mayors ng ating bansa sa naturang programa.
“Buti pa kayo nag-aaral ‘yung iba nating mga kasamahan sa pamahalaan ay ayaw nang mag-aral. Ayaw na matuto kaya marami tayong problema,” ani Tolentino.
Aminado si Tolentino na nakatutuwang isipin, sa kabila ng mga problemang kinahaharap ng bansa ay mayroong mga tulad ng mga vice mayor na gustong matuto ng mga bagong kaalaman.
Ilan sa tinukoy ni Tolentino na problema sa bansa ay ang pitong bagyong dumaan, ang usapin ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, at maraming iba pa.
Sa pag-aaral na ito ng mga vice mayor ay natitiyak ni Tolentino na mas higit at kakayanin nilang maging lider upang pangunahan ang isang komunidad. (NIÑO ACLAN)