SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
INAMIN kapwa nina Seth Fedelin at Francine Diaz na pressured sila sa kanilang entry sa Metro Manila Film Festival 2024, ang My Future You.
Malalaki at hindi nga naman nga naman basta-bastang pelikula ang kanilang makakatapat.
Pero iginiit ng FranSeth na hindi sila nagpadala sa nararamdamang pressure bagkus inilagay nila sa isip na mag-pokus sa promo at naniniwala silang maganda at kalidad ang ginawa nilang movie na ipinrodyus ng Regal Entertainment.
“May competition but in a good way. At the end of competition naman, contribution namin ‘to lahat.
“Para sa tao, para sa pelikulang Filipino. So ‘yun pa rin ang dulo,” ani Seth sa grand mediacon ng My Future You.
Sinabi pa ni Seth na dapat panoorin ang kanilang pelikula dahil ang pinaka-lesson nito ay ukol sa family at love, “kung may pagkakataon ka bang pumunta sa past, may babaguhin ka ba para ‘yung future mo mabago or vice versa. So ‘yun ‘yung lesson niya, family, love.”
“Actually isa rin po sa main highlight or story nito ay ano ang kaya mong gawin para sa pamilya mo o mga mahal mo sa buhay.
“Kahit pa magkaiba ‘yung oras at panahon gagawin mo lahat ng sakripisyo, may babaguhin ka, para maging maayos o magiging magulo hanggang saan ang kaya mo para sa mahal mo sa buhay.
“Na hindi lang siya ‘yung basta gusto lang namin ipakita ‘yung chemistry namin or gusto lang namin magpakilig, hindi po, ‘yung story na ito, puso talaga ang pinakagitna niya, so hindi siya mababaw lang na story,” giit ni Francine.
Inamin din ng magka-loveteam na naka-relate sila sa kanilang mga role.
“Pamilya. Na napaka-suwerte natin kapag kompleto ang pamilya natin.
“Napaka-suwerte natin ‘pag may nanay na nagluluto ng almusal mo, mayroon kang tatay na naghahatid sa school so ‘yun, habang ginagawa ko ‘yung pelikula, habang binibitiwan ko ang mga linya, ‘yun ang nararamdam ko, na napaka-suwerte natin.
“Kahit ano pang estado ng buhay natin, basta kompleto ang pamilya, buo ka, buo kayo, ano pang hihilingin mo sa mundo, ano pa ang hihilingin mo, ano pa ang kayang ibigay ng mundo.
“‘Yun pa lang sobrang enough na ‘yun na makita mong kompleto at masaya, ‘yun ang mararamdaman mo,” ani Seth.
At para naman kay Francine, “Pinaka-core ng story, dahil bago naman tayo nagmahal ng iba, nagmahal tayo sa mga bahay natin, sa pamilya natin nagsimula.”
“And love, ‘yung siyempreng love story ng isang tao, partner, kung hanggang kailan ka maghihintay at kung hanggang kailan ka kakapit,” susog pa ni Seth.
Super proud naman si Roselle Monteverde ng Regal Entertainment sa kanilang entry, “Confident ako sa movie namin. Because usually Christmas, people would like to find a good story.
“Something that they can spend watching movies with the family. And I’m sure we can give this one. It’s not just the love story. The narrative is good. Nandiyan ‘yung kilig. Nandyan ‘yung feel good and also have good vibes.
“Kasi ang ganda lang ng nangyari sa ending. What she really wanted for the family. It’s a big mystery. Kasi if you see the trailer, parang may wishes na natupad sa pamilya niya. So there were like a lot of attempts,” wika pa ni Roselle.
Ang My Future You ay mapapanood simula December 25 sa mga sinehan nationwide.