TILA iniwan sa ere ng Smartmatic ang binansagang kontrobersiyal na ‘dating attack dog’ ng Liberal Party matapos mabigong magsumite ng ebidensiya sa kanyang mga paratang laban sa Commission on Elections (Comelec) at Miru Systems.
Ang kawalan ng ebidensiya ang nagtulak sa Comelec Second Division na ideklarang paninira lamang ang mga pahayag ni Edgar Erice, na tila may layuning guluhin ang nalalapit na 2025 national and local elections.
Ilang netizens ang nagkomento na mukhang nagamit lang si Erice ng dating provider ng automated counting machines (ACMs).
Sa desisyong inilabas noong 26 Nobyembre 2024, idineklara ng Comelec 2nd Division, na binubuo nina Commissioner Marlon S. Casquejo, Rey E. Bulay, at Nelson Celis, na si Erice ay lumabag sa Section 261 (z) (110) ng Omnibus Election Code.
Ang desisyon ay nag-ugat sa petisyong inihain ni Raymond Salipot na nag-aakusa kay Erice ng pagpapakalat ng hindi napatunayang impormasyon na makasisira sa kredibilidad at integridad ng halalan.
Saad sa resolusyon, “Ang mga ebidensiyang iniharap ay malinaw na nagpapakita ng dokumentado at sistematikong paraan ng pagpapalaganap ng maling impormasyon ni Erice na layuning sirain ang kredibilidad ng Comelec at ang halalan sa 2025.”
Dagdag rito, binigyang-diin ng Comelec na ginamit ni Erice ang iba’t ibang media platform upang ikalat ang maling balita, na nagdulot ng kalitohan sa mga botante at takot sa publiko.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code mananagot sa batas ang sinumang tao na sangkot sa mga layunin ng paggulo o paghadlang sa proseso ng halalan o pagpapalaganap ng kalitohan sa mga botante, nagpapakalat ng mali at nakaaalarmang ulat o impormasyon, o nagpapasa o nagpapalaganap ng maling kautusan, direktiba, o mensahe kaugnay sa mga bagay na may kinalaman sa pag-imprenta ng opisyal na balota, pagpapaliban ng halalan, paglilipat ng lugar ng botohan, o pangkalahatang pagsasagawa ng halalan.
Ayon sa Comelec, ang ganitong gawain ay hindi maaaring ituring na lehitimong kritisismo, kundi isang tangkang guluhin ang halalan.
“Ang mga kilos ni Erice ay malinaw na naglalayong guluhin ang proseso ng eleksiyon kaysa magbigay ng makatotohanang opinyon,” diin sa resolusyon.
Ipinaalala ng Comelec na ang pagpapakalat ng maling impormasyon ay may direktang epekto sa tiwala ng publiko sa demokratikong proseso.
“Ang ganitong gawain ay sumisira hindi lamang sa integridad ng halalan, kundi pati na rin sa kredibilidad ng ating mga institusyon,” dagdag ng Komisyon.
Ayon sa Comelec, paulit-ulit na inilarawan ni Erice ang Filipinas bilang isang ‘guinea pig’ sa nalalapit na eleksiyon at iginiit niyang ang mga automated counting machines (ACMs) at sistema mula sa Miru Systems na nakuha ng Comelec ay mga prototype at hindi pa nagagamit sa kahit saang halalan sa buong mundo.
Sinabi ng Comelec na ang mga pahayag ni Erice ay walang batayan at sumasalungat sa mga beripikado at malawak na impormasyon mula sa Comelec at iba pang mapagkakatiwalaang mga sanggunian.
“Malinaw na walang kahit anong ebidensiya na naipakita si Erice maliban sa mga pahayag na ginawa niya sa media. Kaya’t ang mga impormasyong ipinalaganap ni Erice kaugnay sa pangkalahatang pagsasagawa ng halalan ay pawang kasinungalingan,” paglilinaw sa resolusyon ng Comelec. (NIÑO ACLAN)