ARESTADO ang isang lalaki at kaniyang kinakasama dahil sa pamamaslang sa tatlong katao sa lungsod ng Calamba, lalawigan ng Laguna, nitong Lunes, 25 Nobyrembre.
Ayon sa ulat na ipinadala kay Laguna PPO Acting Provincial Director P/Col. Gauvin Mel Unos, kinilala ang mga suspek na sina alyas Anthony at alyas Sheryl na kapwa residente sa Brgy. Mayapa, sa nabanggit na lungsod.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Titoy Jay Cuden, hepe ng Calamba CPS, nakatanggap sila ng tawag mula sa Barangay Public Safety Officer (BPSO) ng Brgy. Mayapa kaugnay sa naganap na pananaga sa kanilang lugar.
Agad nagtungo ang mga tauhan at imbestigador ng Calamba CPS upang beripikahin ang nasabing ulat.
Sa kanilang pagdating sa nasabing lugar, tumambad sa kanila ang mga biktimang wala nang buhay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Calamba CPS, kinilala ang mga biktimang sina alyas Felix, alyas Vivian, at alyas Dante.
Bago ang insidente, nakita ng isang saksi ang mga biktima at mga suspek na magkakasamang nag-iinuman.
Makalipas ang ilang sandali ay naganap ang nasabing pananaga na nagreulta sa agarang pagkamatay ng tatlong biktima.
Sa imbestigasyon, lumabas na ilang araw bago maganap ang nasabing pananaga, nagkaroon ng komprontasyon ang suspek na si alyas Anthony at ang biktimang si alyas Dante dahil nalaman niyang may lihim na relasyon ang kinakasamang si alyas Sheryl sa huli.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Calamba CPS ang mga arestadong suspek habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa dalawa. (BOY PALATINO)