“MASAMA po ang loob namin. Sabi niya noon ipaglalaban niya kami. Ano na po ang nangyari ngayon?” Ito ang emosyonal na pahayag ni Mary Grace Garcia, isang residente sa EMBO (Enlisted Men’s Barrio), habang ipinapahayag niya ang kanyang pagkadesmaya sa kawalan ng aksiyon ni Makati Mayor Abby Binay para sa kanilang kapakanan kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na ilipat ang kanilang hurisdiksiyon sa Lungsod ng Taguig.
Kinondena ni Garcia ang pagsasara ng mga health center sa mga barangay ng EMBO noong nakaraang taon matapos umatras si Binay sa kanyang naunang pangako na ibigay ang mga ito sa Taguig.
“Masakit sa amin ang ginawa niya, lalo sa mga [health] centers. Alam niya na maraming mahihirap ang ‘di kayang pumunta sa private [hospitals], tapos ganyan ginawa niya? Isinarado niya,” ani Garcia.
Dagdag sa mga hinaing ng mga residente ay ang pagpapawalang-bisa sa ‘yellow cards’ na dating nagbibigay ng libreng serbisyong medikal sa mga residente ng 10 barangay ng EMBO. Ang sitwasyon ay naging partikular na mahirap para sa mga pasyente sa EMBO, lalo sa mga senior citizen tulad ni Armando Santocildes, na nagpahayag ng kanyang pagkadesmaya.
“Bilang isang senior [citizen], asan na ang mga [health] centers? Dati napakalapit, pero ngayon nagdurusa na ako. Pumupunta pa ako ng Taguig,” ani Santocildes.
Binatikos ni Santocildes ang mga desisyon ni Binay, lalo ang pagsasara ng mga pampublikong pasilidad na dapat sana’y naglilingkod sa mga ordinaryong mamamayan. “Kung ang adhikain nila ay makatulong sa masa, dapat [mga programa nila] pang-masa. Katulad ng mga basketball courts at health centers—lahat ’yan ipinasarado nila. Asan ‘yung sinabing ‘makatao’? Nawala ‘yun, kasi kung talagang makatao ka, iintindihin mo ‘yung mga taong nangangailangan talaga,” dagdag niya.
Habang si Mayor Abby Binay ay naghahanda para sa isang posibleng pagtakbo sa Senado sa eleksiyon ng 2025, umaani siya ng batikos sa mga residente dahil sa paggamit ng mga pangalan nina Taguig Mayor Lani Cayetano at Senador Alan Peter Cayetano sa kanyang mga pananalita laban sa Taguig. Ang hakbang na ito, ayon sa kanila, ay nagpapakita ng hindi magandang pamumuno ni Binay.
“Mali ang ginagawa niya. Maganda naman ang ginagawa ng mga Cayetano. Bakit kailangan niya pang awayin? Dapat magtulungan at magsuportahan na lang. Gusto nila maibalik ang nararapat sa mga tao para gumanda ang Pembo. Gusto lang nila makatulong sa amin,” ani Garcia.
“Dapat ‘di na ginagamit ni Abby Binay ang mga Cayetano para sumikat pa. Sana po, mga taga-EMBO, gumising na po tayo sa katotohanan,” dagdag ni Santocildes.
Sa gitna ng lumalaking pagkadesmaya sa mga residente ng EMBO, lumalala ang sama ng loob habang lumilitaw ang mga akusasyon na si Binay ay isang palabas lamang.
“Pinahirapan na niya masyado ang mga tao sa EMBO. Hinahanap ko ‘yung huling salita niya noon na ipaglalaban niya ang mga [tao] sa EMBO, ngayon iniwan niya na lang basta-basta na hindi man lang niya ipinaglaban,” pagbabahagi ng isa pang residente, na si Cherry Vera.
Ang pagsasara ng health centers ay hindi lamang ang isyu na nagpagalit sa mga residente. Ang mga fire station, day care centers, at covered courts sa mga barangay ng EMBO ay isinara rin ng Makati, at iniwan ang mga residente na walang mahahalagang pampublikong pasilidad. (NIÑO ACLAN)