PINAG-AARALAN ng kampo ni Daraga Mayor Carlwyn Baldo ang kasong isasampa laban sa nurse ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na kinilalang isang Nurse B.I. Aden nang maunsyami ang admission ng alkalde sa isang pagamutan sa Bonifacio Global City kung saan siya isinugod dahil walang sapat na pasilidad at kagamitan ang unang government hospital na pinagdalhan sa kanya.
Napag-alaman ng kampo ng alkalde na matapos makausap sa telepono ng doktor ng alkalde ang nurse ng BJMP, hiniling nito na sa labas ng lobby ng pagamutan tingnan si Baldo.
Bagay na mahigpit na tinutulan ng doktor dahil aniya hindi siya tumitingin ng pasyente sa lobby ng ospital.
Bukod dito sinabi ng nurse ng BJMP sa doktor na ilalagay na lamang niya sa report na nasuri ang alkalde kahit hindi, bagay na muling tinutulan ng doktor.
Masama ang loob ng pamilya ng alkalde dahil sa pagkaantala ng proseso ng admission sa naturang pagamutan bunsod ng paiba-ibang desisyon ng nurse ng BJMP na kasama nito.
Dahil sa patumpik-tumpik na desisyon, ibinalik ang alkalde sa detensiyon sa kabila ng order ng doktor na ipa-admit sa ospital.
Una nang sumama ang kalooban ng pamilya matapos matengga ang pagpasok sa pagamutan ng alkalde dahil mahigit dalawang oras itong nanatili sa drop-off lobby ng pagamutan na lubhang na-expose sa publiko at posibleng malagay sa alanganin ang seguridad ng alkalde.
Dinala sa pagamutan ang alkalde nang makaranas ng pagtatae nang lima hanggang anim na beses kada araw, biglaang paglaki ng kaniyang tiyan at iniindang sakit sa tagiliran, diabetes at iba pang comorbidity.
Natuklasan ng kampo ni Baldo na kinausap na ng Warden ang naturang nurse upang ipabatid sa doktor at sa pamunuan ng ospital na nakausap na ang korte at naipalam na ang sitwasyon ngunit nabigo ang nurse na gawin ito.
Nalulungkot ang kampo ni Baldo dahil sa pagsuway ng nurse sa kautusan ng doktor at hindi isinaalang-alang ang kalusugan ng mayor.
Aminado ang security team ng pagamutan na walang sapat na koordinasyon sa kanila kung kaya’t hindi nila agarang naasikaso ang alkalde.
Ngunit para sa pamilya ng alkalde at legal team nito nais nilang mabigyan ng leksiyon si Nurse D.I. Aben na siyang itinuturo na humarang sa admission sa ospital matapos malaman na wala roon ang doktor na si Dr. Julius Rustia, na nakalagay sa court order.
Imbes deretso admission ay idinaan muna ang alkalde sa emergency nang tumaas ang kanyang temperatura.
Matapos na masuri ang alkalde ng mga doktor ay agad na inirekomenda ang admission dahil kailangang sumailalim sa ilang mga proseso at laboratory procedure upang matukoy ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan.
Umaasa ang pamilya ng alkalde na kahit person deprived of liberty (DPL) ang kanilang ama ay may karapatang mabigyan ng atensiyon ang kanyang kalusugan.
Inamin ng kampo ng alkalde na humingi na ng paumanhin ang jail warden ng Manila Annex dahil sa naging asal ng kanilang empleyado.
Matatandaang ang alkalde ang itinuturong suspek sa nangyaring pamamaslang kay dating Ako Bicol Party list Representative Rodel Batokabe. (NIÑO ACLAN)