TINULIGSA ni Senadora Imee R. Marcos ang malalang pagbaha sa Bicol sa kabila ng P132 bilyong pondong inilaan ng gobyerno mula 2018 para sa flood control ng rehiyon.
“Hindi katanggap-tanggap na P132 bilyon ang itinalaga para sa mga proyekto ng flood control sa Bicol, ngunit lubog pa rin sa baha ang mga komunidad at patuloy ang pagdurusa ng mga pamilya. Karapatan ng publikong malaman kung saan napunta ang mga pondong ito,” ani Senadora Marcos.
Batay sa 2024 General Appropriations Act, P31.94 bilyon ang natanggap ng Bicol para ngayong taon, na may kabuuang pondo sa nakalipas na anim na taon na halos P133 bilyon. Umabot sa P86.6 bilyon ang inilaan sa loob nitong huling dalawang taon, ngunit matinding pinsala pa rin ang iniwan ng bagyong Kristine sa rehiyon, na nalantad ang hindi sapat na mga impraestruktura at kawalan ng solusyon sa malubhang pagbaha.
Nanawagan ang senadora sa mga ahensiya ng gobyerno, partikular sa Department of Public Works and Highways (DPWH), na ipaliwanag ang estado ng mga proyekto at tiyaking nagamit nang husto ang mga pondo.
Sinang-ayunan din niya ang panawagan ng ilang senador na magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa aktuwal na paggamit ng flood control budget, na tatalakayin sa mga budget hearing sa Nobyembre.
“Para sa pambansang badyet ng 2025, kailangan natin ng mga epektibo at maayos na plano na tutugon sa mga banta ng pagbabago ng klima—hindi ang mga lumang pamamaraan na patuloy na inilalagay ang buhay, tahanan, at kabuhayan sa panganib,” diin ni Marcos.
Samantala, pinabulaanan ng pinuno ng House Committee on Appropriations at Ako-Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co ang bilyon-bilyong alokasyon para sa Bicol.
Ibinida ni Co na si Speaker Martin Romualdez ng Kongreso ang nasa likod ng mga inisyatiba ng gobyerno para matugunan ang matinding pagbaha.
Kinuwestyon ni Marcos ang mga pahayag at hinikayat ang masusing imbestigasyon sa paggamit ng mga pondong ito.
“Malinaw na itong mga ‘makabuluhang proyekto’ ay hindi umaabot sa mga komunidad kung saan ito pinakakailangan. Dapat may managot, hindi lang puro satsat,” diin ni Marcos, nagpapahiwatig ng mga kakulangan sa diskarte ng administrasyon.
Suportado ng senadora ang kabuuang pagsusuri sa nalalapit na mga budget hearing para masagot itong hindi nagkakatugma at aniya’y wala sa hulog na mga prayoridad. (NIÑO ACLAN)