NADAKIP ng Quezon City Police District (QCPD) ang driver na pumugot sa security guard ng isang car dealer sa lungsod noong nakaraang taon.
Sa report na tinanggap ni QCPD Director PCol. Melecio Buslig, Jr., kinilala ang suspek na si Michael Caballero y Padilla, 47, isang driver ng Brgy. Balong Bato, QC.
Si Caballero ay itinuturing na Top 1 District Level Most Wanted Person matapos ang pagpatay sa security guard ng Ford Balintawak na si Alfredo Valderama Tabing.
Ayon kay Buslig, sa pangunguna ni Kamuning Police Station 10 commander PLtCol. Leonie Ann Dela Cruz naaresto si Caballero nitong Lunes, 28 Oktubre sa loob ng Branch 87, Regional Trial Court (RTC), Hall of Justice, Annex Building ng Quezon City Hall Complex, Brgy. Central, Quezon City.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang QCPD – Police Station 10 na nasa Quezon City Hall of Justice si Caballero kasama ang kanyang abogado upang sumuko.
Agad na kumilos ang mga operatiba at sa pakikipag-ugnayan sa RTC Branch 87 nakompirma ang presensiya ni Caballero. Inaresto si Caballero sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong 10 Setyembre 2024.
Nahaharap si Caballero sa mga kasong Robbery with Homicide (Art. 294[1] ng Revised Penal Code) at paglabag sa Republic Act 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016. Walang piyansang inirekomenda ang korte.
“Ang pagkakaaresto sa nasabing suspek ay nagpapatunay na hindi kailanman makapagtatago sa batas ang mga gumagawa ng krimen. Kaya nananawagan kami sa isa pang suspek na sumuko na siya at harapin ang kasong naisampa laban sa kanya. Hindi titigil ang QCPD hanggang hindi naibibigay ang hustisya sa pamilya ng biktima,” ani Buslig. (ALMAR DANGUILAN)