AABOT sa 200,000 pelikula, palabas sa telebisyon at iba pang pampublikong materyal ang narebyu ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) mula Enero hanggang Setyembre 2024.
Batay sa datos, 196,304 TV programs, plugs at trailers, optical media at publicity materials, movie trailers at pelikula ang nirebyu at binigyan ng angkop na klasipikasyon ng 31 Board Members sa loob ng siyam na buwan.
Pinakamalaking bilang sa narebyu ay ang TV programs, plugs at trailers na umabot sa 194,366, 412 na pelikula at 403 trailers. Umabot naman sa 1,123 na publicity at optical media materials ang narebyu ng Board.
Ayon kay MTRCB Chair Lala Sotto-Antonio, tiniyak ng Board na ang lahat ng materyal na isinumite sa ahensiya ay susog sa Presidential Decree (PD) No. 1986, ang batas na basehan ng bawat komite sa pagrerebyu ng mga materyal.
“Ang PD No. 1986 o ang MTRCB charter ang sandigan ng ating Board pagdating sa pagri-rebyu,” sabi ni Sotto-Antonio. “Nakapaloob ang pagbibigay-halaga sa contemporary cultural Filipino values sa bawat rebyung sitwasyon dito.”
Noong 2022, nakapagrebyu ang MTRCB ng 230,280 at 255,220 noong 2023.
Optimistiko si Sotto-Antonio na nasa Board ang bilang ng kanilang mari-rebyu dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga materyal habang papalapit ang katapusan ng taong 2024.
“Sa MTRCB, patuloy nating sinisikap na maging kaagapay ng pamilyang Filipino tungo sa responsableng panonood sa Bagong Pilipinas,” giit ni Sotto-Antonio.