TINIYAK ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) Partylist na isusulong nila sa kongreso ang karampatang ayuda, benepisyo at programa para sa mga bombero, kanilang pamilya, gayondin sa mga mamamayang Filipino.
Ang naturang pahayag ay kasabay ng paghahain ng Ang Bumbero ng Pilipinas Partylist ng kanilang certificate of candidacy (COC) sa Manila Hotel Tent City sa pangunguna ng nominee na sina President Jose Antonio “Ka Pep” Goitia, Vice President Lenin Bacud, at secretary general Carl Plantado para sa 2025 elections.
Bago ang nasabing paghahain ng COC, nagmartsa ang mahigit 500 lider at kasapi mula sa iba’t ibang alyansa, multi-sektoral, NGOs, at organisasyong masa patungo sa Quirino Grandstand, sa Ermita, Maynila, upang ipakita ang mainit na pagsuporta sa tunay na ABP partylist.
Ayon kay Rodolfo “RJ” Villena, Jr., ang punong tagapagtipon ng nasabing pagkilos, nais umano nilang ipakita ang mainit na pagsuporta ng malawak na mamamayan sa tunay na Ang Bumbero ng Pilipinas o ABP Partylist.
“Ang pagkilos namin sa araw na ito ay patunay na hindi kami lalahok bilang partylist bagkus kami ay susuporta sa mga kandidato at partylist na magsusulong at maninindigan sa mga programa at polisiya ng administrasyong Marcos, Jr., lalo sa isyu na pinag-aagawang mga teritoryo sa West Philippine Sea,” ani Villena.
Pinasalamatan ni Goitia ang mainit na pagpapakita ng suporta at endoso ng malawak na mamamayan sa pamamagitan ng pagpirma ng mga lider ng iba’t ibang samahan sa isang ‘joint resolution’ at nanindigan din na kaniyang isusulong sa kongreso ang karampatang ayuda, benepisyo at programa para sa mga bombero at kanilang pamilya. (BONG SON)