MAGBIBIGAY ng P10,000 pabuya si acting chairman Romando Artes sa makapagbibigay ng pangalan at tirahan ng lalaking nagpanggap na traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay Artes, sa post ng isang netizen, may hinuli ng lalaking nagpakilalang empleyado ng MMDA pero nang hanapan ng ID ng motorista na kanyang hinuhuli ay bigla na lamang umalis.
Binigyan-diin ni Artes na ang nagpapanggap na traffic enforcer at nanghuhuli ng mga motorista na lumalabag sa batas trapiko para mangikil ay hindi empleyado at hindi konektado sa MMDA.
Kaugnay nito, nanawagan si Artes sa publiko kung sino man ang nakakikilala sa lalaki ay dumulog sa ahensiya at maaaring magpadala ng personal na mensahe o direct message sa kanilang MMDA Facebook page. (NIÑO ACLAN)