Monday , December 23 2024

Tahimik sa pagtulong si Mayor Alfredo Lim

KAMAKALAWA lang natin nalaman sa pitak ng kaibigan nating si Chairwoman Ligaya Santos na si Manila Mayor Alfredo Lim pala ang personal na nagdulog kay Pangulong Benigno Aquino III sa kaso ng OFW na si Dondon Lanuza kaya nailigtas sa bitay sa Saudi Arabia at nakauwi na sa bansa kamakailan.

‘Yan ang isa sa mga hinahangaan nating ugali at katangian ni Mayor Lim, ang tahimik na pagtulong niya sa kapwa tao, ‘di tulad ng ibang politiko na halos ipagsigawan sa buong mundo kapag may nagawang kabutihan kahit katiting lang.

Dahil likas na matulungin si Mayor Lim sa maliliit at tagapagtanggol ng naaapi, normal na sa kanya ang aksiyonan ang kaso ni Dondon, lalo na’t taga Maynia ang OFW.

Ilang taon na ang nakalilipas ay napukaw din ang ating atensiyon sa kaso ni Dondon kaya’t kahit nakapiit siya sa Saudi Arabia ay nakapanayam natin siya sa dati nating programang Lapid Fire at naisulat din sa ating mga kolumn.

Sa lahat ng nagtulong-tulong para mailigtas sa kamatayan ang ating kababayang si Dondon, nawa’y hindi tayo magsawa sa pag-ayuda sa ating kapwa tao, saan mang tayong sulok ng mundo mapadpad.

DAPAT LANG ANG LIFESTYLE CHECK

SA MGA MAGNANAKAW SA BOC

TILA  matagal na nagka-amnesia ang Revenue Integrity Protection Service ( RIPS), ang anticorruption arm Department of Finance (DoF), sa tungkulin nilang ukilkilin ang uri ng pamumuhay o lifestyle check at busisiin kung nagbabayad ng tamang buwis ang mga opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BOC).

Matapos ang matagal na pagkakahimbing, kumibo na rin sa wakas ang RIPS sa matagal na nating panawagan na isailailim sa lifestyle check ang mga taga-Customs kung talagang seryoso ang administrasyong Aquino na magpatupad ng reporma sa BoC.

Walang dapat ipuwera ang RIPS, lalo na ang matataas na opisyal at district collector na alam naman ng buong mundo na lumalangoy sa karangyaan at walang habas magwaldas ng ninakaw na pera sa kanilang mga bisyong alak, babae at sugal.

Ang wish lang natin, huwag sanang magpatapal ng kuwarta ang mga taga-RIPS na mag-iimbestiga sa mga kuwestiyonableng yaman ng mga taga-Customs, kawawa naman ang taong bayan, bukod sa ninanakawan na ng P200 bilyon sa kaban ng bayan bunsod ng smuggling ay pinapasan pa ang mataas na presyo ng mga bilihin dahil sa ipinapataw sa consumers pati ang suhol na ibinibigay ng mga negosyante sa mga tiwaling opisyal at kawani ng Aduana.

DEP-ED, NASA “PANIC MODE”

NG PORK BARREL SCAM?

UMAALMA ang mga nasa likod ng industriya ng paglilibro sa inilabas na kautusan ni Education Secretary Armin Luistro na nagpapatigil sa pagbili ng instructional materials (IMs) ng kagawaran dahil kailangan daw repasohin ang mga patakarang umiiral, lalo na’t kung ang pondo ay hindi mula sa DepEd.

Ang tatamaan kasi ng DepEd Order No. 44, Series of 2013, o ang Moratorium on the Procurement of Supplementary Reading Reference and other Instructional Materials (IMs) na nilagdaan ni Luistro noong nakalipas na Setyembre 26, maliban sa mga guro at estudyante, ay mga manunulat ng aklat at IMs, maliliit na manggagawa sa pagbubuo ng libro, at kanilang mga pamilya.

Tandaan natin na dahil sa K to 12 ng DepEd ay nagbago na ang curriculum sa pag-aaral kaya’t kailangan ang mga bagong materyales sa pagtuturo ng mga guro at pag-aaral ng mga estudyante.

Nakapagtataka pa na ang kautusan ni Luistro ay lumabas matapos mabulgar ang pork barrel scam kaya may duda na posibleng may nais pagtakpan na alingasngas sa kagawaran at ang isinakripisyo ay ang IMs para lang masabi na may ginagawang hakbang ang DepEd para linisin ang kanilang hanay.

Idinamay din ni Luistro sa kanyang order ang mayor at mga  local na pamahalaan gayong hindi naman nanggagaling sa pondo ng DepEd ang ipinambibili nila ng mga libro at iba pang instructional materials na ibinabahagi nila sa mga eskuwelahan at mga aklatang sakop ng kanilang pinaglilingkurang bayan at munisipalidad.

Kung tutuusin ay wala naman dapat i-review ang DepEd sa aspeto ng pagbili ng IMs dahil ang lahat ng patakaran na gumagabay rito ay sila ang nagbuo, kahit hindi galing sa kagawaran ang budget na ipinantustos dito.

At huwag natin kalilimutan na ang K to 12 ay pet project ni Luistro at kung nabahiran man ito ng anomalya sa loob ng isang taon pa lang na implementasyon,  siya ang mananagot, batay sa doktrina ng command responsibility.

Kaya’t habang inililigpit ng DepEd, sa bisa ng order ni Luistro, ang mga  bakas ng katiwalian sa programang ito ay mamumuti naman ang mga mata sa gutom ng mga awtor at mga manggagawa sa industriya ng paglilibro.

Para sa reklamo, suhestiyon at  komentaryo tumawag o mag text  sa 09158227400 / Email: [email protected]

Percy Lapid

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *