HATAWAN
ni Ed de Leon
HUMUHUPA na sana ang pamba-bash ng netizens kay Paolo Contis pero ewan ba kung siya talaga ang naka-assign para maging attack dog ng mga Jalosjos laban sa TVJ.
Kung tutuusin, kung gusto pa nilang gamitin ang trade mark na Eat Bulaga, kahit na kinansela na ang registration ng IPO PHL, at sinabing ang may karapatan ay ang TVJ, ayos lang naman sana eh. May magagawa pa naman silang legal remedies pero mas mabuting gawin na lang nila ang hakbang nilang legal. Eh kaso iyang si Paolo, bigla na namang bumanat ng, “mahaba pa ang laban, wala pang final na decision.”
Hindi ba niya naiintindihan na mayroon na ngang desisyon, kaya nga kinansela na ang kanilang trademark registration pabor sa TVJ eh. Kaya nga sinabihan na silang itigil na ang paggamit ng Eat Bulaga bilang title para sa kahit na ano mang bagay.
Magpapalabas ba ng ganoong order ang IPO kung hindi sila sigurado sa desisyon nila? Ang dapat na sabihin doon ay maghaharap sila ng appeal, mayroon silang isang motion for reconsideration. Hihingin nilang pag-aralang muli ng IPO ang kaso, maghaharap sila ng mga bagong ebidensiya na sila dapat ang magmay-ari ng Eat Bulaga, at baka sakaling mabago ang desisyon. Pero iyong sabihin mong wala pang siguradong desisyon, at lalaban ka pa ng mahaba eh mali talaga iyon, dahil lumalabas sa desisyon na hindi naman napatunayan ng TAPE Inc.,na ang title na Eat Bulaga ay sila ang gumawa. Hindi rin nila napatunayang ang title ay binili nila sa gumawa, at pumayag iyon. Basta inamin din nila na si Joey de Leon ang gumawa niyon, napili nilang gamitin kaya ginamit nila at naiparehistro nila bilang trade mark. Pero walang sinabing binili nila iyon kay Joey o gumawa si Joey ng deed of assignment na ipinagkakaloob na niya ang Eat Bulaga sa Tape Inc..
Ang totoo hindi na sila kailangang umapela eh, kausapin na lang nila si Joey, bayaran nila para payagan silang gamitin ang Eat Bulaga, dahil kung ang gusto nila ay mabili iyon outright, palagay namin sa naging sitwasyon hindi na papayag si Joey. Pero maaari nilang gamitin iyon, basta babayaran nila si Joey ng royalties bilang imbentor at siya ngayong may hawak ng copyright at trademark. Wala pang problema, kaysa maghahabol pa sila sa korte, mas malaking gastos pa iyan, hindi pa sila sigurado sa resulta. Tutal naglaban na sila, nabutata na ang kanilang claim, mas maganda nga na aregluhin na lang nila iyan, dahil hindi lang sa korte, kung tatanungin mo ang publiko talo sila.
Tutal maliwanag namang hindi na kailangan ng TVJ ang title na Eat Bulaga, iyon lang E.A.T. ang title nila eh, sila pa rin ang nanatiling number one noontime show kahit na nasa isang mas mahina silang estasyon.
Para ano pa nga ba ang Eat Bulaga sa kanila? Kaya lang intellectual property nila iyon at kung gusto ngang gamitin iyon ng TAPE Inc,. dapat na makipag-usap sila ng maayos at magbayad ng royalties.
Patigilin na rin nila ang kanilang attack dog na si Paolo, hindi maganda ang ginagawa niyon para sa image ng kanilang show at ng kanilang kompanya. Para pa kasing ipinagyayabang niyon na, ‘eh ano kung hindi sa amin ang Eat Bulaga, basta gagamitin namin iyon sa amin man o sa hindi.’
‘Di kwek kwek nga iyan.