HATAWAN
ni Ed de Leon
ABA hanggang Cebu pinagkaguluhan sina Ate Vi (Vilma Santos at Boyet de Leon nang magtungo sila sa Nustar para sa isang mediacon at fans’ day at mai-promote ang pelikula nilang When I Met You in Tokyo ganoon din ang iba pang festival movies na ipalalabas sa Cebu kasabay ng Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Metro Manila.
Hindi ginagawa iyan ni Ate Vi sa kanyang mga pelikula at hindi naman niya kailangang gawin pero dahil ang gusto nga niya ay maiangat ang buong industriya at kumbinsihin ang kanyang supporters na panoorin ang lahat ng iba pang mga pelikula bukod sa pelikula niya, talagang matinding promo ang kanyang ginagawa kahit sa labas na ng Metro Manila.
Nag-aalala naman ang kanyang pamilya at ang kanyang fans kasi nga kamakailan dahil sa matinding pagod tumaas ang blood pressure niya pero matapos lamang ang ilang araw na pahinga balik na naman siya sa kampanya para sa mga pelikula. Nakalulungkot lang isipin na sa kabila ng magandang hangarin ni Ate Vi, may nasasabi pa ang ibang hecklers.
Pero ang masasabi lang namin, ang tagumpay ng MMFF sa taong ito ay hindi maikakailang dahil sa matinding pagsisikap ni Ate Vi na maikampanya ang lahat ng mga pelikula sa festival. Nagulat nga kami sa kuwento ng isang radio announcer sa Cebu na tumawag sa amin, mas marami pa raw tao sa mediacon ni Ate Vi, kaysa mga taong nanood ng concert ng isang star doon kamakailan at sa pareho ring venue ha.
Katunayan, ang Cebu ay teritoryo pa rin ng Vilmanians. Kahit naman noong araw, sinasabi nila na ang cebu ay bailiwick ni Ate Vi. Talagang mataas ang popularidad niya sa mga Cebuano. Hindi ba may panahon pa ngang ang mga tao sa Cebu ang kumukumbinsi sa kanya na tumakbo para sa isang national government position?
Hindi lang pumayag si Ate Vi dahil naisip niya na masyado nang malaking responsibilidad iyon at nakapangako na siya ng serbisyo sa mga taga-Batangas.