HINDI bababa sa 128 katao ang binawian ng buhay habang ilang dosenang indibidwal ang sugatan nang yanigin ng malakas na lindol ang bansang Nepal na umabot hanggang New Delhi, India, na ikinaguho ng mga bahay at mga gusali.
Ayon sa ulat ng Nepal National Seismological Centre, naganap ang pagyanig dakong 11:47 pm nitong Biyernes, 3 Nobyembre, may lakas na 6.4 magnitude.
Iniulat ng German Research Centre for Geosciences ang lindol na may lakas na 5.7 magnitude mula sa 6.2, habang iniulat ng U.S. Geological Survey ang lakas nitong 5.6.
Maaalalang niyanig noong 2015 ng dalawang lindol ang Nepal na umabot sa 9,000 katao ang namatay.
Gumuho ang mga daan-taong templo at iba pang makasaysayang mga lugar, pati ang milyon-milyong kabahayan na tinatayang umabot sa US$6 bilyon ang pinsala sa ekonomiya ng Nepal.
Pinangangambahan ng mga opisyal ng pamahalaan ng Nepal na tataas pa ang bilang ng mga namatay sanhi ng lindol noong Biyernes nang matukoy nila ang epicenter nito sa Ramidanda, 500 km kanluran ng Kathmandu, kabisera ng Nepal, na mayroong 190,000 kataong populasyon sa mga bulubunduking lugar.
Ayon kay Harish Chandra, opisyal ng Distrito ng Jajarkot, maaaring tumaas pa ang bilang ng mga sugatan at mga namatay habang isinasagawa ang rescue at retrieval operations.
Ayon sa ulat, 92 katao ang namatay sa Jajarkot at 36 sa kalapit na Rukum West district, parehong sa lalawigan ng Karnali.
Hindi bababa sa 85 katao ang sugatan sa Rukum West at 55 sa Jajarkot.