HINDI nakaligtas sa kamatayan ang isang lokal na
broadcaster at may-ari ng estasyon ng radio, nang barilin sa loob ng announcer’s booth sa sarili niyang himpilan sa bayan ng Calamba, lalawigan ng Misamis Occidental, nitong Linggo ng umaga, 5 Nobyembre.
Kinilala ang biktimang si Juan Jumalon a.k.a. DJ Johnny Walker sa kanyang mga tagapakinig, 43 anyos.
Kasalukuyang on-board sa kanyang programa tuwing Linggo na “Pa-hapyod sa Kabuntagon” nang pumasok ang suspek sa kanyang radio booth na nasa loob ng kanyang bahay, saka siya binaril sa bibig.
Kilala si Jumalon bilang may-ari at station manager ng 94.7 Calamba Gold FM.
Batay sa imbestigasyon, pumasok ang bala ng baril sa bibig ng biktima at lumabas sa likod ng kanyang ulo.
Isinusulat ang balitang ito’y nagsasagawa ng forensic examination at imbestigasyon ang mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen.
Sa kuha ng CCTV na nakalap ng pulisya, tinangay ng suspek ang gintong kuwintas ng biktima bago tumakas.
Mariing kinondena ng National Union of Journalists in the Philippines (NUJP) ang pamamaslang sa broadcaster.
Ayon kay Jonathan De Santos, Chairman ng NUJP, si Jumalon ang ika-199 mamamahayag na pinaslang simula nang maibalik ang demokrasya noong 1986, at pang-apat sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Pagdidiin ni De Santos, mas higit nilang kinokondena ang pamamaslang dahil nangyari ito sa loob mismo ng pamamahay ni Jumaon.
Ayon sa NUJP, nangyari ang karumal-dumal na krimen tatlong araw matapos ang obserbasyon ng International Day to End Impunity for Crimes Against Journalists noong 2 Nobyembre.