ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MASISILIP na ngayong Oct. 13, sa ganap na 8 ng gabi, ang second teaser ng inabaangang horror movie na Mallari. Tinatampukan ang pelikula ng A-list actor na si Piolo Pascual.
Nagkataon lang kaya o talagang sinadyang sa Friday the 13th makikita ang nasabing second teaser? Sa mga mapamahiin at mahilig sa mga nakakatakot na pelikula, markado ang araw na Biyernes, petsa trese.
Mabanggit pa lang ang Friday The 13th, iba na agad ang kahulugan nito sa iba, kaya tiyak na nakakadagdag sa pagtayo ng balahibo ng ibang tao kapag sumasapit ang ganitong petsa. Sa kaso ng Mallari, siguradong hindi lang mangangalisag ang kanilang balahibo, kakalabog din ang kanilang dibdib sa takot at suspense na hatid ng pelikulang ito.
Kung pagbabasehan ang unang teaser, na sadyang nakakakilabot at nakakatakot, kaabang-abang talaga ang susunod na patikim ng lagim ng Mallari!
Ang Mallari ay inspired by true events ng Filipino priest na si Father Juan Severino Mallari mula sa parokya ng Magalang, Pampanga, na naging isang serial killer.
Sinasabing pumatay siya ng 57 katao sa lugar na iyon noong 1816-1826. Nakulong si Mallari nang labing-apat na taon, bago binitay noong 1840.
First time sasabak ni Piolo sa horror genre, kaya maraming fans ni Papa P. ang excited nang mapanood ang pelikulang ito.
Target ng Mallari na makapasok sa darating na Metro Manila Film Festival 2023. Bagay na bagay sa MMFF ang pelikulang Mallari, kadalasan kasi ay patok sa takilya at sa masa ang mga horror movies tuwing sasapit ang December filmfest.
Mula sa pamamahala ni Direk Derick Cabrido at sa panulat ni Enrico Santos, bigatin ang casts ng Mallari. Kasama ni Piolo sa pelikula sina Ms. Gloria Diaz, JC Santos, Janella Salvador, Elisse Joson, at may special participation dito si Mylene Dizon.
Base sa unang teaser ng pelikula at sa mga pahayag ng producer nitong si Bryan Dy ng Mentorque Productions, tinatayang magiging isang classic horror movie ang Malllari na magmamarka sa kasaysayan ng showbiz world.