Friday , November 15 2024

Aurora Vice Gov Noveras diskalipikado — COMELEC

091123 Hataw Frontpage

TINULDUKAN na ng Commission on Elections (Comelec) ang desisyon nito na tanggalin sa puwesto si Aurora Vice Governor Gerardo Noveras.

Sa resolusyong inilabas ng  Comelec en banc, tinanggihan nito ang “motion for reconsideration” na inihain ng kampo ni Noveras.

Alinsunod ang desisyon ng komisyon sa kasong isinampa ni dating Dipaculao Vice Mayor na si Narciso Amansec noong 26 Abril 2022 laban kay Noveras na sinabing sinamantala ang posisyon bilang gobernador ng Aurora para magamit ang mga pasilidad ng lalawigan sa kanyang kampanya para sa vice gubernatorial slate noong 2022 national and local elections (NLE).

Nabatid na tumakbo bilang kandidatong vice governor si Amansec noong 2022 NLE laban kay Noveras nang matapos ang kanyang termino bilang gobernador.

Si Amansec mismo ang nakakita ng pag-imprenta ng mga tarpaulin at iba pang campaign materials ni Noveras sa loob ng Aurora Training Center compound.

Sa unang desisyon na inilabas ng Comelec sa kaso laban kay Noveras, nakakita ng sapat na ebidensiya para mapatunayan na sinamantala niya ang posisyon bilang gobernador ng Aurora para gamitin ang pondo ng probinsiya sa kanyang kandidatura noong 2022 NLE.

Sinabi ng Comelec, pinuwersa ni Noveras ang mga tauhan sa probinsiya para mag-imprenta ng kanyang campaign materials na labag sa batas-eleksiyon ng Filipinas.

Hindi nakadalo si Amansec sa preliminary hearing ng Comelec noong Nobyembre 2022 na maaaring  magresulta sa agad na pagdismis ng kanyang petisyon.

Ito ay dahil isang buwan bago ang pagdinig ay inambus at napatay si Amansec, ang kanyang asawang si Merlina at kanilang driver ng mga di kilalang suspek sa loob ng kanilang sinasakyang pick-up sa Barangay Dibatunan.

Ngunit, nitong 6 Setyembre 2023, naglabas ng desisyon ang Comelec en banc base sa mga merito ng kaso na hindi maaaring isantabi lamang dahil sa matinding paglabag sa batas-eleksiyon at hindi lamang sa isang technicality.

Ayon sa Rule 23 ng mga alintuntunin ng Comelec , ang kaso ay maaaring ibasura  kung hindi nagpakita ang petitioner o ang kanilang abogado sa preliminary conference.

“However, strict adherence to procedural rules should not operate to shackle the Commission’s efforts to deter and punish the egregious disregard of prohibitions under our substantive electoral laws,” ayon sa desisyon ng Comelec. (NIÑO ACLAN)

About Niño Aclan

Check Also

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

COMELEC Vote Election

Erice naghain ng supplemental Motion para tuluyang ibasura kontrata ng Comelec–MIRU

NAGHAIN ng supplemental motion sa Korte Suprema si dating Caloocan City congressman Egay Erice para …

Principal

PH public schools kapos sa principal

BINIGYANG-DIIN ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahang mapunan ang pagkukulang ng mga punong-guro sa mga …

AMLC

Bigtime money launderer dapat arestohin ng AMLC

UMAPELA si Senate Minority Floor Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na palakasin ng Anti-Money Laundering …

Scam fraud Money

Nagpanggap na kaniyang pamangkin, Babae sa Tarlac tiklo sa online love scam

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang babaeng kinilalang si alyas “Tita” matapos magpanggap na kaniyang …