Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
SA TUWING sasapit ang araw ng Lunes, araw ng regular session ng Sangguniang Panlungsod, mapupuna ang mga indibidwal na nakasalampak sa flooring ng corridor sa labas ng session hall.
Hindi nakikinig sa mga tinatalakay sa sesyon, kundi nag-aabang sa mga Konsehal na darating.
Sa tuwing matatapos na ang sesyon, dumarami ang mga solicitor na nag-aabang naman sa mga Konsehal kapag tapos na ang sesyon.
Nakaaawa pero nakaaasar din dahil iisa lang mga mukha tuwing araw ng Lunes na nag-aabang. Sila ‘yung mga regular na nanghihingi ng tulong-pinansiyal kahit singkuwenta o bente pesos. Suwerte ‘pag P100!
Nakaaasar din minsan kasi kailangan yata magnakaw ang mga politiko para matustusan ang mga nanghihingi.
Sadya yatang makakapal ang mga mukha at hindi marunong mahiya.
Bukod Riyan, sinabi ng mga konsehal, tambak ang mga solicitation letter ng iba’t ibang organisasyon sa lungsod ng Pasay. Nariyan ang kailangan ng gamot, naka-confine sa ospital, mga pa-liga, pati mga outing.
Magkano lang ang sahod ng isang Konsehal? Kulang na kulang sa rami ng nanghihingi!
Kaya dapat ba maging corrupt ang isang politiko? Mga tao ang nagtutulak para maging tiwaling politiko, kailan kaya magbabago ang mga botante?
Heto ang hamon: “Mamili kayo, tamang daan o limang daan”