Patay ang isang magsasaka matapos pagbabarilin ng apat kataong lulan ng motorsiklo sa Llanera, Nueva Ecija kamakalawa.
Kinilala ni Police Colonel Richard Caballero, provincial director ng Nueva Ecija PPO, ang biktima na si Elemito dela Cruz y Avendania, 55, may-asawa, magsasaka at residente ng Brgy. Casile, Llanera.
Sa mabilis namang pag-aksiyon kasunod ang isinagawang hot pursuit operation ay naaresto ng magkasanib na mga elemento ng Llanera MPS at PIU/PPDEU-NEPPO ang apat na suspek sa krimen na kinilalang sina Emmanuel Dayag y Ea; Efren Duyon y Ruz, Modesto Duyon y Ruz; at Jojo Rapadas y Natividad na nasukol habang papatakas sa Brgy. Bagumbayan, Llanera..
Ayon sa ulat, gabi ng Hulyo 8, habang nasa Brgy. Gomez sa nabanggit na bayan ang biktima ay pinagbabaril ng apat na suspek saka tumakas sakay ng motorsiklo pero kaagad nasakote ng mga awtoridad bago nakalayo.
Nasamsam sa mga suspek ang iba’t-ibang high power na mga baril kabilang ang isang Caliber 45 pistol, dalawang Caliber .30 Carbine at assorted magazine assemblies at mga bala.
Nahaharap ngayon sa mga kasong Murder at paglabag sa RA 10591 ang mga suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Llanera MPS. (MICKA BAUTISTA)