USAPING BAYAN
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
ANG pagpapahayag ng kalayaa’y tanda ng pagbawi sa sariling kaakohan (national identity) mula sa isang mapanakop na kapangyarihan. Gayon man hindi lahat ng pagpapahayag ng kalayaan ay nauuwi sa tunay na paglaya. Mayroong huwad o hilaw na pahayag.
Ngayong darating na ika-12 ng Hunyo, gugunitain ng marami sa ating mga Pilipino ang ika-125 taong deklarasyon ng “araw ng kalayaan” o Independence Day ng Diktador na si Emilio Aguinaldo. Pero may mga ilan na nagtatanong kung ang “Independence Day” nga ba na ipinahayag ni Aguinaldo ay tunay nga ba na araw ng paglaya? Dapat nating sagutin ang tanong na ito?
Mula ika-4 ng Hulyo ay ginawang ika-12 ng Hunyo ni dating Pangulong Diosdado Macapagal, isang neoliberal, ang paggunita sa Independence Day para makuha ng kanyang administrasyon ang suporta ng mga makabayang puwersa sa ating lipunan. Kakatwang ginawa niya ito matapos niyang buksan ang ating ekonomiya sa mga dayuhan at gibain ang mga makabayang patakaran o nationalist economics ng kanyang pinalitang pangulo na si Carlos P. Garcia.
Pansinin na bago naging Independence Day ang ika-12 ng Hunyo, ang araw na ito ay kinikilala bilang Pambansang Araw ng Watawat dahil sa petsang ito umano noong 1898 ay unang iwinagayway ang ating kasalukuyang bandila sa mansiyon ni Aguinaldo sa Kawit, Cavite. Pero mali ito dahil ayon sa tala ng kasaysayan, unang iwinagayway ang ating kasalukuyang bandila noong ika-28 ng Mayo, 1898 sa kasagsagan ng labanan ng mga rebolusyonaryong Filipino at kawal Kastila sa barrio Alapan, Imus, Cavite. Ito’y 15 araw bago mag ika-12 Hunyo.
Bukod dito, hindi talaga maaaring kilalanin ang ika-12 Hunyo ni Aguinaldo bilang Independence Day sapagkat noong huling linggo pa ng Agosto noong 1896, sa pangunguna ni Supremo at Pangulong Andres Bonifacio kasama ang mga kasapi ng Kagalanggalangan Kataastaasang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK-AnB), naipahayag ang kalayaan ng bayan mula sa mga Kastila sa noo’y mga barrio ng bayan ng Kalookan.
Ayon sa mga tala’t saksi, mula 23-26 Agosto 1896 ay idineklara ni Pangulong Bonifacio at mga kasama ang kalayaan at ang pagsisimula nang himagsikan laban sa mga Kastila. Pinunit nila ang kanilang mga cedula at nagdaos ng mga makabayang pagpapahayag sa mga barrio ng Pugad Lawin, Kangkong, Bahay Toro at Pasong Tamo (ngayo’y mga barangay na ito ng Lungsod Quezon).
Hindi gaya ng pahayag ni Aguinaldo na oxymoronico o kinakitaan ng magkakasalungat na elemento, malinaw na tunay na Deklarasyon ng Kalayaan ng Bayan (People’s Declaration of Independence) na ipinahayag ni Pangulong Bonifacio at kanyang mga kabig. Tunay na pagsasarili ang ipinahayag ng mga Katipunero.
Nagdedeklara nga ng ‘kalayaan’ si Aguinaldo pero kasabay nito ay isinailalim din niya ang Filipinas bilang isang protectorate ng United States.
Bilang US protectorate lumalabas na ang ‘malayang bayan’ ni Aguinaldo ay magiging isa lamang teritoryo ng Amerika na may awtonomiya tulad ng Puerto Rico o Guam at hindi isang tunay na malayang bansa. Ngunit sa kabila nito ay hindi ito pinansin ng pamahalaang Amerikano at sa halip tayo ay kanilang pataksil na dinigma.
Ang digmaang Filipino-Amerikano ay tumagal mula 1899 hanggang 1907 at tinatayang 600,000 hanggang isang milyong Filipino ang nasawi sa loob ng panahong ito. Sa loob ng 48 taon, isang teritoryo ng US ang Filipinas.
Noong ika-4 ng Hulyo, 1946 ay binigyan daw tayo ng kalayaan ng mga Amerikano matapos nilang matiyak na mananatili tayong neo-kolonyal, isang kalalagayan na tunay na ugat ng ating kahirapan ngayon.
Ngayon, sagutin natin ang tanong, ang 12 Hunyo ba ni Aguinaldo ay dapat na ipagdiwang?