NAKUMPISKA ng magkasanib na mga operatiba na pinangunahan ng Bureau of Customs ang mga pinaghihinalaang smuggled goods na tinatayang ang halaga ay aabot ng PhP900 million sa Plaridel, Bulacan nitong Mayo 26.
Ang operasyon ay isinagawa ng mga ahente mula sa Manila International Container Port (MICP), Intelligence Group, at Enforcement Group, sa pakikipagtulungan ng Philippine Coast Guard.
Sa pamamagitan ng Letter of Authority na nilagdaan ni Commissioner Bienvenido Rubio, ang composite team ng BOC ay ininspeksiyon ang bodega na matatagpuan sa Plaridel, Bulacan.
Nakipag-ugnayan ang BOC sa mga lokal na opisyal ng barangay at Philippine National Police upang mapasok ang sinasabing bodega ng mga smuggled goods.
Sa masusing pag-iinspeksiyon sa lugar, natuklasan ng BOC ang mga nakatagong sigarilyo, gayundin ang iba pang mga kalakal, housewares, kitchenware, at mga pekeng kalakal na iligal na iniangkat sa bansa.
Sa kawalan ng linaw na makapagpakita ng mga kinakailangang dokumento, kabilang ang patunay na pagbabayad at tungkulin sa pagbubuwis, gayundin ng importation permits ay kaagad gumawa ng aksiyon ang BOC sa pamamagitan ng pansamantalang pagharang at pagsasara ng bodega.
Ayon pa sa BOC, ang may-ari ng nasabing bodega ay binigyan nila ng 15-day period upang magpakita ng kinakailangang documentary evidence.
Sinabi pa ni Commissioner Rubio na, “The Bureau of Customs remains steadfast in its commitment in combating smuggling activities and protecting the interests of the general public. This operation demonstrates our determination to safeguard the integrity of our borders and ensure compliance with our customs laws.”
Hinimok din ng BOC ang publiko na isumbong ang mga pinaghihinalaang smuggling o illicit trade activities upang makatulong sa ‘fair and transparent business environment’ sa bansa.(Micka Bautista)