Dalawang indibiduwal na sangkot sa paglabag sa BP 22 ang naaresto sa Oplan Pagtugis na ikinasa ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group sa Bulacan kamakalawa.
Sa ulat na ipinadala kay Police Colonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang mga akusado na sina Melissa Santiago at Kenneth Santiago na inaresto ng tracker team ng CIDG PFU Bulacan sa maramihang bilang ng paglabag sa BP 22.
Ang dalawang akusado ay inaresto sa Malolos City, Bulacan sa bisa ng Bench Warrant of Arrest at Warrant of Arrest na inilabas ng korte kaugnay sa kinakaharap na mga kasong paglabag sa BP 22 at 3 counts ng paglabag sa BP 22.
Matapos sampahan ng kaso ay nagtago ang mga akusado kaya naglatag ang tracker team ng CIDG Bulacan PFU ng Oplan Pagtugis na nagresulta sa pagkaaresto ng dalawa.
Ang mga naarestong akusado ay kasalukuyang nakadetine sa CIDG Bulacan PFU para dokumentasyon at nararapat na disposisyon.(Micka Bautista)