Kaugnay sa pinaiiral na one strike policy ng Philippine National Police (PNP) ay sunod-sunod na police operations laban sa mga iligal na sugalan ang isinagawa sa Bulacan hanggang kahapon ng umaga, Mayo 17.
Iniulat ni Police Colonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, na siyam ang naaresto sa pagkakasangkot sa mga iligal na sugal sa lalawigan.
Ang mga tauhan ng Angat Municipal Police Station (MPS) na pinamumunuan ni Police Major Kiddie Balasola ay nagkasa ng operasyon na nagresulta sa pagkaaresto ni Ruel Tolentino para sa paglabag sa P.D. 1602 na inamyendahan ng RA9287 (STL bookies).
Samantalang ang mga tauhan ng Malolos City Police Station (CPS) na pinamumunuan ni P/Lt. Colonel Andrei Anthony Manglo at Plaridel Municipal Police Station (MPS) sa liderato ni Police Lt. Colonel Melchor Buaquen ay magkasunod na gumawa ng aksiyon laban sa mga iligal na sugalan sa kanilang nasasakupan.
Nakatanggap sila ng tips mula sa mga concerned citizens tungkol sa grupo ng mga indibiduwal na sangkot sa aktibidad ng iligal na sugal na billiard, poker at tong-its kung saan naaresto ang walong sugarol.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Malolos CPS at Plaridel MPS ang mga naaresto na sasampahan ng kasong paglabag sa P.D. 1602.
Ang isinasagawang pagkilos ng Bulacan police ay kaugnay sa direktiba ni PNP Chief PGeneral Benjamin Acorda, Jr. na ‘One Strike Policy’ laban sa mga iligal na sugal.(Micka Bautista)