Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
HUWAG na sanang magkaroon ng extension para sa SIM card registration dahil mas dumarami ang mga scammer pati ang online selling na peke ang mga produktong inilalako sa social media.
Umabot sa 95 milyon ang nagparehistro ng kanilang SIM card. Isa ito sa dahilan upang matukoy kung sino ang nagmamay-ari ng mga SIM cards kung masasangkot sa masasamang motibo.
Sana isunod ng gobyerno ang mga vlogger na maraming viewers, kumikita nang limpak-limpak na salapi. Pero dapat ‘yung mga serbisyo-publiko o tumutulong ‘wag na pahirapan dahil naibabahagi nila ang kanilang kinikita.
FILIPINAS KAILAN AAHON ANG EKONOMIYA
Nahihirapan ang administrasyong Marcos sa mga problemang pinansiyal ng bansa dahil lubog na lubog ang ating bansa sa pagkakautang.
Kawawa ang mga sumusunod na Pangulo gaya ni BBM, namana ang mga pagkakautang na iniwan ng administrasyong Duterte.
Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay mayroon dig namanang pagkakautang at dahil sa nagdaang pandemic, lumobo ang gastusin kaya mas lumaki ang pagkakautang ng bansa upang matugunan ang mga pangangailangan.
Mabuti pa noong 1960s hanggang 1970s masarap pa ang buhay ng tao. Kahit maliit lang ang sahod ng manggagawa kayang bigyan ng edukasyon ang mga anak.
Ngayon kung apat ang anak mo hindi lahat nag-aaral dahil walang sapat na pantustos.
Suwerte ang inabot ng binanggit kong mga taon, sigurado napagtapos ang mga anak sa pag-aaral at hindi naghihirap ang buhay sa kabila ng kahirapan ngayon.
Hindi na matatapos ang paghihirap habang tumatagal ay lumulugpog… taas ng pasahe, taas ng matrikula, taas ng renta, taas ng bilihin, taas ng krudo. Isa na lang ang ‘di tumataas, ang mga pandak!