TAMA ang hula namin na ang pelikula nina Enchong Dee at Miles Ocampo ang mangunguna, ang Here Comes The Groom sa 1st Summer Metro Manila Film Festival dahil maganda at katatawanan ang pelikulang ito na handog ng Quantum Films, Brightlight Productions, at Cineko Productions.
Subalit hindi ganoon kalakas ang turn out ng walong pelikulang kasali sa Summer MMFF na nagsimulang magbukas o napanood noong Sabado de Gloria, Abril 8, 2023.
Bagamat hindi masyado tinao ang pagbubukas ng Summer MMFF dahil posibleng marami pa ang mga nasa bakasyon o umuwi ng probinsiya, nanguna ang Here Comes The Groom, sumunod ang Yung Librong Napanood Ko na pinagbibidahan, isinulat, idinirehe, at ipinrodyus ni Bela Padilla, kasama ang Korean actor na si Yoo Min-Gon. Co-produced ito ng Viva Films.
Pumangatlo ang About Us But Not About Us nina Romnick Sarmenta at Elijah Canlas mula sa panulat at direksiyon ni Jun Robles Lana prodyus ng IdeaFirst Company, OctoberTrain, at Quantum Films.
Nasa ikaapat na puwesto ang Apag nina Coco Martin, Gladys Reyes, Shaina Magdayao, Mark Lapid, Joseph Marco, Jacklyn Jose, Julio Diaz, Gina Pareno, Vince Rillon, Ronwaldo Martin, Mercedes Cabral, at dating senador Lito Lapid. Si Brillante Mendoza ang direktor at prodyus ng Center Stage Productions at Hongkong International Film Festival Society.
Nasa ikalimang puwesto ang Unravel nina Gerald Anderson at Kylie Padilla na idinirehe ni RC delos Reyesmula sa MavX Productions.
Ikaanim ang Love You Long Time nina Carlo Aquino at Eisel Serrano ng Studio Sixty-Three at idinirehe ni JP Habac at ang nasa pito at ikawalong puwesto ang Single Bells nina Angeline Quinto, Aljur Abrenica, at Alex Gonzaga na isinulat at idinirehe ni Fifth Solomon, prodyus ng TinCan Films; Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko nina RK Bagatsing, Meg Imperial, Dennis Padilla, Gelli de Belen, Ariel Rivera, Rosanna Roces, Christopher de Leon at iba pa handog ng Saranggola Media at idinirehe ni Joven Tan.
Ngayong araw, ang pagbabalik sa mga opisina, eskuwelahan at umaasa kaming madaragdagan ang mga manonood pa ng pelikulang kalahok sa Summer MMFF at sana lang hindi muna maalis sa mga sinehan ang mga pelikulang hindi masyadong pinapasok.