IGINIIT ni Puwersa ng Bayaning Atleta partylist Rep. Margarita Nograles, ang kapakanan ng mga residente ng Davao ang mas mangingibabaw kaysa interes ng Northern Davao Electric Cooperative Inc. (NORDECO).
Ito ang sinabi ni Nograles matapos ang isinagawang motorcade ng mga residente at mga may-ari ng negosyo sa Tagum laban sa NORDECO dahil sa mataas na presyo ng ibinebenta nitong koryente kompara sa sinisingil sa mga karatig-lugar nila.
Matatandaan, naunang nagkaroon ng rally sa Samal na nilahukan ng mga residente at LGU officials para ihayag ang mga hinaing dahil sa palpak na serbisyo ng NORDECO.
Sinabi ni Nograles, mayroong kapangyarihan ang Kongreso na bawiin ang prangkisa na ipinagkaloob nito sa electric cooperative alang-alang sa kapakanan ng publiko.
“Ang Congress naman may right to revoke franchise ‘pag for the common good. At itong mga clamor ng mga tao na hirap na hirap na, makikita na for the common good, tingnan natin kung malaki na ‘yung losses at hirap na nararamdam ng mga tao,” sabi ni Nograles.
Nauna nang iginiit ng NORDECO, sa ilalim ng batas ay hanggang 2028 pa epektibo ang prangkisa nito maliban sa Samal na sa 2033 pa mag-e-expire.
Ayon sa mga mamamayan at mga negosyante, matagal na silang nagtitiis. Panawagan nila ay huwag nang patagalin pa ang perhuwisyong serbisyo ng NORDECO.
Nakahain sa Kongreso ang mga panukala kaugnay ng pagpapalawig ng operasyon ng ibang electricity distribution unit (DU) upang mabigyan ng mas magandang serbisyo ang mga lugar na sakop ng NORDECO.
Sinabi ni Nograles, natugunan ng mga bagong panukala sa Kamara ang mga ibinigay na dahilan kung bakit na-veto ang unang panukala na inaprobahan ng nakaraang Kongreso.
“Sa version naman po na ito, na-a-address ang mga factor na naisabi naman po sa veto message at dahil mas marami ngayon talagang nahihirapan sa presyo ng koryente, susubukan ko talagang ipaglaban ito po,” dagdag ni Nograles.
Sa ilalim ng House Bill 6740 na inihain ni Nograles aamyendahan ang Republic Act 11515, ang batas na nagbibigay ng prangkisa sa ibang DU at isasama rito ang Tagum City, Samal Island, bayan ng Asuncion, Kapalong, New Corella, San Isidro at Talaingod sa Davao del Norte, at ang munisipyo ng Maco sa probinsiya ng Davao de Oro.
Nakapaloob sa panukala ang gagawing transition sa paglilipat ng mga nabanggit na lugar mula NORDECO patungo sa DU na may mas magandang serbisyo.