KAKALIBITIN NA NI SARGE ANG GATILYO NANG BALYAHIN SIYA NI MARIO AT TUMALON SA ILOG
“Sarge, pababain mo muna,” tawa ng kasamang nasa likod na upuan ng dyip. “Baka marumihan ang flooring, mahihirapan tayong maglinis…”
Inihakbang ni Sarge ang mga paa sa labas ng sasakyan.
“Sige, baba!” anitong nasa gatilyo ng mahabang baril ang hintuturo.
Ipinagtulakan si Mario ng pulis na payukong lumabas sa hulihang upuan ng behikulo.
“Takbo na, bilis!”
Isa-salvage ako! ang sigaw ng utak ni Mario. “P-pero ano’ng kasalanan ko?”
Lumulukob sa buong katauhan niya ang matinding takot. Napaluhod siya, nagmakaawa kay Sarge.
“S-sir, me pamilya po ako,” pagsusu-mamo niya, luhaan ang mga mata at nanlalamig ang buong katawan. “A-ano po ba talaga ang kasalanan ko? W-wala po talaga akong alam…”
Itinutok sa ulo niya ang dulo ng baril ni Sarge. Nabasa ng ihi ang kanyang pantalon.
“H-huwag po!” ang mga katagang nagbara sa kanyang lalamunan.
Ngunit kasabay ng pagtindig sa pagkakaluhod ay buhos-lakas niyang sinuwag ang sikmura ni Sarge. Napabarandal ito sa hood ng dyip. Nakalabit nito ang hawak na baril, pumutok paitaas at nagbuga ng maraming tingga sa mahabang pagratrat.
Tugis ng karit ni Kamatayan, sa naglalakihang mga hakbang sa pagtakbo at pagsambit-sambit ng “Diyos ko po!” ay pa-dayb siyang tumalon sa ilog ng tulay na bakal. Tuluy-tuloy siyang bumulusok sa kailaliman ng tubig.
(Itutuloy bukas)
Rey Atalia