DINAKIP ng pulisya ang isang 23-anyos lalaki matapos tapunan ng mainit na tubig ang aso ng kanyang kapitbahay sa Brgy. Mambaling, lungsod ng Cebu nitong Linggo, 19 Pebrero.
Kinilala ang suspek na si Jason Fuentes, nabatid na nakipagkasundo sa nagreklamong kapitbahay na si Gina Lucido, ngunit sinampahan pa rin ng kaso ng pulisya para sa paglabag sa RA 8485 o Animal Welfare Act.
Ani P/Lt. Col. Janette Rafter, deputy city director for operations ng Cebu CPO, ginawa nila ang kanilang obligasyon na kahit nagkasundo na ang dalawang panig ay dapat managot ang suspek sa ginawang karahasan sa aso.
Nabatid na pauwi na ang suspek sa kanyang bahay nang kaniyang buhusan ng mainit na tubig ang nakataling aso na pagmamay-ari ng kapatid na lalaki ni Lucido.
Ani Lucido, nang komprontahin nila ang suspek ay sinabi niyang walang tigil siyang tinatahol nito kaya naisipan niyang kumuha ng mainit na tubig at binuhusan ang aso ng kapitbahay.
Nakapag-usap si Lucido at si Fuentes sa himpilan ng pulisya nitong Lunes ng umaga, 20 Pebrero at humingi ng tawad ang suspek habang siya ay nakapiit.
Ani Lucido sa suspek, kung mayroong nagawang mali ang kanilang aso, marapat na sila ang kausapin niya.
Tinanggap ni Lucido ang paghingi ng kapatawaran ngunit nagkaroon sila ng kasunduan upang hindi na muli maulit ang katulad na insidente.