LIMANG SUNDALO ang namatay, kabilang ang amok na nagwala sa loob ng kampo ng 4th Infantry Division (4ID) ng Philippine Army sa Brgy. Patag, lungsod ng Cagayan de Oro nitong Sabado ng umaga, 11 Pebrero.
Ayon kay Maj. Francisco Garello, Jr., tagapagsalita ng 4ID, binaril ng suspek na kinilalang si Pvt. Johmar Villabito ang kanyang mga kapwa sundalo habang natutulog sa loob ng kanilang barracks sa Service Support Battalion (SSBN) unit.
Kinompirma ni Garello na kasama ng suspek sa silid ang isa sa mga biktima habang pinuntahan niya ang iba pa sa kanilang mga silid saka pinagbabaril.
Ayon sa pulisya, binaril ni Villabito ang biktima sa hindi malamang dahilan gamit ang isang M16 rifle.
Patuloy na nangangalap ng impormasyon ang 4ID mula sa mga saksi upang matukoy ang motibo ng suspek sa pamamaril.
Samantala, ipinahayag ng Cagayan de Oro CPO na nakikipagtulungan sila sa 4ID sa patuloy na imbestigasyon ukol sa insidente.