UPANG maipatupad ang kinakailangang reporma sa ahensya, ipinag-utos ni Bureau of Customs (BoC) Commissioner Rozanno “Ruffy” Biazon ang pagbabalik ng mga empleyado ng Aduana sa kanilang mother units ayon sa nakasaad sa kanilang appointment papers.
Sa Customs Personnel No. B-134-2013 na ipinalabas ni Biazon, sinabi doon na ang lahat ng kasalukuyang puwesto ng mga kawani ng BoC ay binabawi na upang bigyang-daan ang kanilang pagbalik sa kanilang orihinal na plantilla positions.
Ayon kay Biazon, ang pagpapatupad nito ay hahatiin sa bawat grupo para masiguro ang maayos na pagsasalin ng mga responsibilidad.
Ang unang grupo na naapektohan ng nasabing utos ay ang mga Supervising Customs Operating Officer, Customs Operations Officers III, Chief Customs Operations Officers at Customs Operations Officers.
Ang mga natitirang opisyal at kawani ay inaasahang nakabalik na lahat sa kani-kanilang orihinal na puwesto hanggang nitong Setyembre 17).
Lahat sila ay bibigyan ng sampung araw na mag-report sa kanilang mother units at dapat lahat ay balik-trabaho na pagdating ng Setyembre 27, ani Biazon.
Mismong si Biazon ang nagbigay ng suhestiyon na inendoso naman ng Revenue Cluster ng Department of Finance (DoF) para matanggal ang mga dobleng trabaho sa Aduana at para na rin lalong mapabuti ang kanilang operasyon.
Nauna nang nanindigan ang Customs chief na kanyang bubuwagin ang baluktot na sistema kabilang na ang smuggling na minsan ay kinasasangkutan ng ilang mga tiwaling empleyado at opisyal.
Matatandaan na ini-anunsyo rin ni Biazon kamakakailan ang balasahan ng mga district at subport collector pero ang resulta ng nasabing balasahan ay inaantay pa dahil ang DoF ang magbibi-gay ng go-signal sa gagawing major revamp sa BoC.