KOMBINSIDO si barangay chairman Ariel Cabingao, Vice Chairman for Advisory Council, na mananalo ang botong Yes vs No sa pagiging component City ng Baliwag, sa lalawigan ng Bulacan.
Napag-alamang mayorya ng 27 barangay sa Baliwag ang naniniwalang maipapanalo nila ang Yes to Component City sa pamamagitan ng plebesito sa darating na 17 Disyembre.
Ayon kay Brgy. Chairman Cabingao, marami ang matutulungan sa pagiging siyudad ng Baliwag, una rito ang libreng edukasyon para sa mga mag-aaral sa kanilang bayan.
Makikinabang rin ang mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, at maging ang kanilang district hospital.
Mabibigyan na rin ng maganda at maayos na tirahan ang mga pamilyang informal settlers na naninirahan sa mga gilid o tabi ng patubig ng NIA.
Aniya, sa pagiging component city ng Baliwag, magiging sentro ito ng ekonomiya na mas lalong magpapaunlad sa mga residente dahil malaking porsiyento ng kita ng kanilang bayan ay maaari nang magamit sa iba pang pangangailangan ng mga mamamayan sa lugar.
Nabatid na hindi rin maaapektohan ang maliliit na mamumuhunan at tanging ang malalaking kompanya ang bahagyang tatamaan ng tataas na buwis mula sa pagiging siyudad ng Baliwag.
Tinatayang nasa P200 hanggang P300 milyon ang kabuuang Internal Revenue allotment (ERA) ng Baliwag na 100 porsiyentong tataas sa pagiging syudad.
Bunsod nito, hinimok ng opisyal ang mga Baliwageño na lumabas at makiisa sa nakatakdang plebesito na magbibigay ng mas maayos na pamumuhay sa hinaharap. (MICKA BAUTISTA)