SUGATAN ang tatlong construction workers nang bumigay ang bahagi ng ginagawang convention center sa Lopez National Comprehensive High School, sa Brgy. Magsaysay, bayan ng Lopez, lalawigan ng Quezon nitong Martes ng umaga, 15 Nobyembre.
Kinilala ng Lopez MPS ang mga biktimang sina Benedict Aquitania, welder at residente sa Brgy. Peñafrancia, Gumaca; Rosen Fulgencio, 21 anyos, residente sa Brgy. Burgos; at Romeo Talento, 57 anyos, residente sa Brgy. Magsaysay, parehong sa bayan ng Lopez.
Nagresponde ang mga tauhan ng Lopez MPS matapos makatanggap ng impormasyon na tatlong biktima ang dinala sa Magsaysay Hospital ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO).
Nabatid, dakong 9:10 am kahapon, biglang bumigay ang isang steel beam na ginagawa ng welder na si Aquitania.
Nahulog si Aquitania kasama ang ginagawang steel beam na tumama sa dalawa pang biktima sa ibaba na naging sanhi ng mga pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.