WALA nang buhay nang matagpuan ang isang dayuhan na pinaniniwalaang inabandona ng kanyang asawang Filipina sa Molo District, sa lungsod ng Iloilo, nitong Linggo, 12 Nobyembre.
Kinilala ni P/Maj. Shella Mae Sangrines, tagapagsalita ng Iloilo CPO, ang biktimang si Oscar Monterrosa, 62 anyos, El Salvadorian national.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nakita ng caretaker ng boarding house na nirerentahan ni Monterrosa ang kanyang katawan sa sahig katabi ng kama.
Nabatid na walang nakitang kahit anong pinsala o sugat sa katawan ni Monterrosa.
Samantala, hindi ikinokonsidera ng mga awtoridad ang foul play o anomang krimen sa pagkamatay ng dayuhan dahil hindi nagalaw ang kanya pera, mga cellphone, at iba pang personal na gamit.
Napag-alamang hindi nakapagbabayad ng renta si Monterrosa nang halos apat na buwan simula nang mawalan siya ng trabaho at ang may-ari ng boarding house ang nagbibigay sa kanya ng libreng pagkain.
Ilang taon na ang nakaraan, lumabas si Monterrosa sa programang “Raffy Tulfo in Action” at inakusahan niya ang kanyang asawa na hindi tao ang turing sa kanya kung hindi aso at pinagbantaan din siyang ipade-deport kung hindi siya maglilinis ng bahay at magmamaneho ng sasakyan.