NAPANSIN ng PRO4-A (CALABARZON) ang pangkalahatang mapayapang paggunita ng Undas 2022 sa lahat ng lugar sa rehiyon, ayon sa mga ulat mula sa limang Police Provincial Offices.
Batay sa monitoring na ginawa ng kanilang tanggapan, may kabuuang 326,923 pumunta sa 584 sementeryo at 44 columbarium sa rehiyon.
Kapansin-pansing na walang naitalang marahas na insidente kaugnay ng Undas.
Gayonman, nakompiska ng mga awtoridad ang 179 ipinagbabawal na mga bagay tulad ng mga matatalim na armas, sound equipment, at alcoholic drinks na dala ng mga pumunta sa sementeryo na naunang idineklara bilang kontrabando.
“Ngayong taon, ang paggunita ng Undas ay higit na mapayapa at wala tayong naitalang malaking kaganapan na nagbabanta sa kaligtasan at seguridad ng ating mga kababayan habang inaalala ang kanilang mga yumao,” pahayag ni P/BGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., regional director ng PRO4-A PNP.
Pinapurihan ni P/BGen. Nartatez ang iba’t ibang estasyon ng pulisya at iba pang yunit sa rehiyon sa paggawa ng kanilang mga tungkulin at responsibilidad sa pagtiyak ng mapayapang paggunita ng Undas.
“Kinikilala rin natin ang mga komunidad sa pagsunod sa mga patakaran ng kani-kanilang local government units (LGUs) at ang malawakang kampanya sa Ligtas Undas Tips,” dagdag niya.
Nauna rito, nagtalaga ang CALABARZON PNP ng may kabuuang 7, 706 tauhan simula noong 29 Oktubre nang ideklara ang full alert status ng PNP National Headquarters.
“Ang mobilisasyon ng ating tropa ay dinagdagan ng mga tauhan mula sa iba pang ahensiya tulad ng AFP, BFP, at PCG kasama ang ating Force Multipliers,” ani Nartatez.
Bukod sa pagtatayo ng checkpoints, pinaigting din ng municipal at city police stations ang kanilang police presence at visibility sa mga strategic areas at mga sementeryo, at nagtatag ng police assistance desks upang tulungan ang mga motorista at mga biyahero.