NAPATAY ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa ikinasang drug operation ng mga awtoridad na nauwi sa enkuwentro sa lungsod ng Meycauayan, sa lalawigan ng Bulacan nitong Sabado, 22 Oktubre.
Kinilala ni P/Col. Relly Arnedo, OIC ng Bulacan PPO, ang napatay na suspek na si Rene Redobla, alyas Empoy, residente sa Brgy. Perez, sa nabanggit na lungsod.
Batay sa ulat, isang napagkasunduang transaksiyon sa droga ang unang naisagawa ngunit bandang huli ay naghinala ang suspek na ang kanyang kausap ay police poseur buyer.
Pinasusuko umano si alyas Empoy ngunit sa halip ay bumunot ng baril at pinaputukan ang pulis na kaagad nakakubli hanggang napilitang gumanti na nagresulta sa kamatayan ng suspek.
Narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo at bala ng .9mm, isang Smith & Wesson cal .38 revolver, isang selyadong pakete ng plastic ng hinihinalang shabu, improvised glass pipe, digital weighing scale, lighter, relo, shade, isang P1000 bill at siyam na boodle money, P500 cash, cellphone, mga basyo ng pakete ng plastic, at isang leather sling bag.
Kasunod nito, nadakip ang isa pang suspek na kinilalang si Regie Cruz, alyas Gibo, sa ikinasang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng San Ildefonso MPS kung saan nasamsam sa suspek ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu at buy-bust money. (MICKA BAUTISTA)